Calendar
61 OFWs sa Saudi ligtas na nakabalik sa Pilipinas

LIGTAS na nakabalik sa Pilipinas ang 61 overseas Filipino workers (OFWs) noong Nob. 8 na apektado ng kaguluhan sa Saudi Arabia.
Sinalubong ang mga OFWs ng mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) katuwang ang New NAIA Infra Corporation (NNIC).
Nakatanggap ang mga OFWs ng tulong pinansyal, libreng pagkain, pansamantalang matutuluyan at transportasyon, lalo na ang mga walang susundo at kailangang makauwi sa kani-kanilang lalawigan.
“Masaya kami na nakarating kayo nang ligtas sa ating bansa. Hindi po nagtatapos ang tulong ng pamahalaan sa inyong pag-uwi,” ani Labor Attaché Geraldine Mendez.
Kabilang sa mga maaari nilang mapakinabangan ang livelihood assistance programs at skills training na makatutulong sa kanilang paghahanap ng trabaho o pagsisimula ng kabuhayan.
“Thank you very much po at nakarating kami ng ligtas sa Pilipinas. Mula po noong umalis kami hanggang sa aming pagdating, hindi kami pinabayaan,” ayon sa isa sa 61 OFWs.
Naisakatuparan ang kanilang repatriation sa koordinasyon ng One Country Team sa Riyadh, sa pangunguna ng Philippine Embassy, Migrant Workers Office (MWO), at OWWA-Riyadh.
Para sa mga OFW na nangangailangan ng repatriation assistance o iba pang serbisyo, maaaring makipag-ugnayan sa pinakamalapit na MWO, Philippine Embassy, o tumawag sa 24/7 DMW-OWWA Hotline 1348.
