Senate

Escudero: Impeachment trial balik sa Nob 19; defense 8-10 pa testigo ihaharap

90 Views

ITUTULOY sa Nobyembre 19 ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero.

Inihayag ito ni Escudero sa pag-adjourn ng ika-43 araw ng paglilitis noong Huwebes.

Sinabi ni lead defense counsel Atty. Sheila Sison na walo hanggang 10 pang testigo ang ihaharap ng depensa. Isusumite ang listahan hanggang Sabado sa pamamagitan ng email o electronic service.

Sa ilalim ng five-day notice requirement ng impeachment court, kailangang ipaalam ang mga testigo limang araw bago sila humarap.

Mapapahinga ang paglilitis habang naka-lockdown ang lugar ng Senado sa Pasay City para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits.

Gaganapin ang summit mula Nobyembre 13 hanggang 15, at ang Philippine International Convention Center (PICC) ang pangunahing venue nito.

Idineklara ang Nobyembre 16 hanggang 18 bilang special non-working days sa Metro Manila.

Noong Huwebes, inalis ng depensa ang huling testigo na si Atty. Paul Roderick Ysmael ng Bank of the Philippine Islands (BPI).

Nauna nang inanunsyo umano ni defense counsel Atty. Michael Poa noong Miyerkules na hindi na nila ihaharap ang 15 iba pang kinatawan ng mga bangko at ang punong barangay ng Matina Crossing, Davao City.

Kabilang umano sa mga bangkong unang inilista ng depensa ang BDO, BPI, EastWest, Landbank, Metrobank, Philippine Savings Bank, Security Bank at UnionBank.

Inaasahan umano noon na kikilalanin ng mga bank witness ang mga sulat at dokumento kaugnay ng mga kahilingang ipinadala sa mga bangko ng Bise Presidente at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio sa pamamagitan ng kanilang mga abogado.

“I was already asked about the letter and I have admitted in open court that I wrote that letter. So I think it would be in the interest of time that we just dispense with this witness… since it’s only for the purpose of authentication,” ani Poa.

Humiling naman si Atty. James Brian Ibrahim Ali, private prosecutor na nakatoka sa BPI witness, na mailatag ang ilang bahagi ng mga dokumentong lumabas sa subpoena. Kabilang dito, aniya, ang isang liham ng BPI “where it confirmed that the Vice President had dollar accounts.”

Hindi ito pinayagan ni Escudero sa ngayon dahil nakapag-formal offer na at nag-rest na ang prosekusyon, at wala pang testigong pormal na nakapag-identify sa dokumento.

“I’m afraid I cannot allow that at this point because you will be substituting your interpretation of documents that have not yet been presented before this Court,” wika ni Escudero.

Iniharap naman ng depensa si Atty. Anel Martin Antero, matagal nang kaibigan ng mag-asawa, para ipaliwanag ang P205,007.29 na charge sa credit card ni Carpio sa Inakaya Ginza restaurant sa Tokyo noong Mayo 19, 2023.

Ayon kay Antero, 11 silang magkakaibigan mula sa law school at kapwa Mason ang sabay-sabay na kumain at nag-ambagan sa bill.

Ginamit lamang daw ang card ni Carpio dahil kulang na ang cash ng ilan sa kanila. Nasa P40,000 daw ang kanyang naging bahagi.

“Kami po ang nagbayad. Nag-ambag-ambag po kami,” ani Antero.

Sa cross-examination ni private prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan, sinabi ni Antero na wala siyang dalang litrato ng dinner. Nang tanungin kung may dokumento siyang magpapatunay na nabayaran nila si Carpio, sagot niya: “Wala po.”

Kinumpirma rin ni Antero na bahagi siya ng legal team ng Bise Presidente sa mga kasong isinampa laban dito. Ipinakita rin ng prosekusyon ang isang record ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ayon sa kanila ay nagpapakitang nakatanggap si Antero ng P580,000 mula kay Carpio noong Hulyo 2020.

Hindi ito maalala ni Antero. Paliwanag niya, bahagi siya ng law firm ni Carpio at tumatanggap ng bayad sa kanyang serbisyo.

Ayon kay Escudero, ang halagang halos P205,000 ay pasok sa kayang gastusin ng Bise Presidente o ng kanyang asawa batay sa SALN, at binanggit niya ang P88 milyon “if I remember correctly.”

Sa interjection ni Senator-Judge Imee Marcos, sinabi ni Antero na wala ang Bise Presidente sa naturang dinner.

Sinundan si Antero ni Chadrin Parian, na tumestigo tungkol sa P256,882.50 na charge sa Nike Pavilion sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ayon kay Parian, kapwa sila magulang ni Carpio ng mga batang miyembro ng basketball team na Elite Philippines, at si Carpio ay tumatayong co-parent at manager ng koponan.

Pumunta raw sila sa Malaysia mula Hunyo 11 hanggang 16 para sa isang basketball tournament, kung saan nag-champion ang mga bata. Pumayag ang prosekusyon na i-stipulate ang kanyang mga travel document.

Sa pagbubukas ng pagdinig, pinaalalahanan ni Escudero ang mga senator-judge at abogado, kasama ang kanyang sarili, na may mga karapatan ang mga testigo sa ilalim ng Rule 132, Section 3 ng Rules on Evidence.

“The chair wishes to emphasize that an answer which may be unsatisfactory is not inherently contemptible,” ani Escudero.

Tinanong naman ni Senator-Judge Robinhood Padilla ang prosekusyon kung may hiwalay itong titulo ng lupa sa Barangay 74-A para patunayang magkaibang ari-arian ito at ang lote sa Matina Crossing na nakadeklara sa SALN ng Bise Presidente.

Sagot ni House prosecutor Rep. Terry Ridon: “Hindi na po namin ito susumiti pa dahil natapos na po ang panahon sa paglalahad ng ebidensya.”

Tanging Article II na lamang ang natitirang kaso laban sa Bise Presidente matapos bawiin ng prosekusyon ang tatlong iba pang artikulo noong Oktubre 13.

Inaakusahan siya rito ng umano’y unexplained wealth, hindi kumpletong deklarasyon ng ari-arian sa SALN, at ipinagbabawal na business interests.

Ayon umano sa prosekusyon, aabot sa P817.87 milyon ang hindi naideklarang ari-arian at unexplained wealth ng Bise Presidente mula 2022 hanggang 2025. Itinanggi umano ng Bise Presidente ang mga paratang.