LTFRB Source: Land Transportation Franchising and Regulatory Board – LTFRB/FB

LTFRB pinaigting inspeksyon sa bus terminals

Jun I Legaspi Nov 13, 2026
93 Views

PINAIGTING ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang inspeksyon sa mga pangunahing bus terminal kaugnay ng pagdagsa ng pasahero dahil sa long holiday para sa 49th ASEAN Summit.

Ayon kay acting LTFRB Chairman Greg Pua Jr., ang isinagawang inspeksyon ay para tiyaking nasa kondisyon ang mga bus at nakahanda ang mga drayber at konduktor para sa mga mahahabang biyahe.

“Inaasahan natin ang pagdagsa ng mga komyuter sa mga bus terminal upang makauwi sa kani-kanilang probinsya at makasama ang kanilang pamilya sa mga araw na walang pasok sa paaralan at trabaho.” sabi ni Pua.

Patuloy na paiigtingin ng LTFRB ang mga hakbang upang matiyak na magiging mabilis, maaasahan, ligtas at komportable ang biyahe ng mga pasaherong magsisimula nang bumiyahe ngayong weekend.

Inaprubahan ng LTFRB ang kabuuang 372 special permit para sa mga passenger bus upang matiyak ang sapat na bilang ng mga sasakyang bibiyahe at makapagsilbi sa karagdagang pasahero.

Ito ang pinakamaraming special permit na ipinagkaloob para sa mga passenger bus na bibiyahe patungong Northern Luzon na may 245 units.

Sinundan ito ng mga bus na patungong Central Luzon na may 111 units. Ang iba pang special permit ay inilaan naman para sa mga bus na bibiyahe patungong Bicol, Southern Luzon at Western Visayas, upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasahero sa iba’t ibang destinasyon.

Noong Huwebes, pinangunahan ni Pua Jr., kasama si Franchise Planning and Monitoring Division (FPMD) Chief Sherwin Vizconde, ang inspeksyon sa mga istasyon ng bus sa kahabaan ng EDSA Busway upang masiguro ang maayos at ligtas na pagbiyahe ng mga komyuter.

Ang inspeksyon ay para tiyaking naipatutupad nang maayos ang mga kinakailangang paghahanda at hakbang ng ahensiya para sa tuloy-tuloy, maayos at episyenteng operasyon ng pampublikong transportasyon sa panahon ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.

Inatasan din ni Pua ang mga Regional Franchising and Regulatory Offices (na inspeksyunin ang mga terminal operator upang matiyak ang pagsunod ng mga ito sa mga pamantayan para sa kaginhawaan at kaligtasan ng mga pasahero.

Kabilang sa mga pamantayang ito ang pagkakaroon ng sapat na proteksyon laban sa anumang kondisyon ng panahon, maayos at gumaganang mga palikuran, gayundin ang accessibility ng mga terminal para sa mga persons with disability (PWDs) at senior citizens.