Risa Source: Senator Risa Hontiveros FB

Extradition warrant vs Quiboloy magandang balita — Hontiveros

53 Views

IKINATUWA ni Senador Risa Hontiveros ang paglalabas ng Makati Regional Trial Court (RTC) ng extradition arrest warrant laban kay Pastor Apollo Quiboloy, na hinahanap ng Estados Unidos dahil sa mga kasong may kinalaman sa sex trafficking.

Ang extradition ay ang proseso ng pagpapasa ng isang akusado sa ibang bansa upang doon harapin ang kanyang kaso.

“The world is listening. Hindi na makakatakas si Quiboloy sa pananagutan,” ani Hontiveros.

“Higit apat na taon na sya sa Wanted List ng FBI dahil sa mabibigat na kaso ng sex trafficking. Ngayon, naglabas na ang ating korte ng extradition arrest warrant laban sa kanya,” dagdag niya, na tumutukoy sa Federal Bureau of Investigation ng US.

“Magandang balita ito para sa mga matagal nang naghihintay ng hustisya. Now, the process must move forward without delay,” wika pa ng senador.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Women, binalikan ni Hontiveros ang mga babaeng humarap sa mga pagdinig na pinangunahan niya sa Senado kaugnay ng mga alegasyon laban kay Quiboloy.

“Quiboloy may have powerful friends, but the women who stood up against him had voices that could never be silenced. At hindi natin sila iniwan,” aniya.

“Justice knows no borders. No one is above the law, anywhere in the world. Not even Apollo Quiboloy,” giit pa niya.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), inilabas ng Makati RTC Branch 145 ang warrant noong Huwebes, Nobyembre 12, laban kay Quiboloy at sa dalawa niyang kapwa akusado na sina Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag. Naglabas din ang korte ng hold departure order upang hindi sila makaalis ng bansa.

Nag-ugat ang warrant sa extradition petition na inihain ng DOJ noong Nobyembre 9 para sa pamahalaan ng US. Kabilang umano sa mga kaso ni Quiboloy sa US ang human trafficking, sex trafficking at conspiracy.

Ayon pa sa DOJ, nakakita ang korte ng probable cause, o sapat na batayan, na sila ang mga taong tinutukoy sa foreign arrest warrant at indictment, na extraditable ang mga kaso, at na nagawa nila ang mga isinampang paglabag. Hindi pa ito hatol sa kaso.

Kasalukuyang nakakulong umano si Quiboloy habang hinaharap ang mga kasong child abuse at sexual abuse sa isang korte sa Quezon City at qualified human trafficking sa isang korte sa Pasig.

Kapag naaresto na ang mga akusado at naabisuhan ang korte, personal na isisilbi sa kanila ang summons kasama ang kopya ng petisyon. May 15 araw sila mula sa pagtanggap nito upang maghain ng verified answer, ayon sa DOJ.