DHSUD1 Source: Social Housing Finance Corporation/FB

53 pamilya sa Tanauan binigyan ng TCTs ng DHSUD, SHFC

Jun I Legaspi Nov 14, 2026
51 Views

BINIGYAN ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Social Housing Finance Corporation (SHFC) ang 53 pamilyang maralita sa Batangas ng Transfer Certificates of Titles (TCTs) sa ilalim ng pinalawak na Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Tanauan City noong Martes.

Pinangunahan nina DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling at SHFC President at CEO Federico Laxa ang seremonya ng pamamahagi ng titulo sa covered court ng Brgy. Mabini.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang 40 pamilya mula sa Munting Paraiso Homeowners Association, Inc. at 13 pamilya mula sa Kaisahan Village HOA, Inc.

Sa pamamagitan ng pinalawak na 4PH Program, natuldukan ang matagal nang paghihintay ng dalawang komunidad para sa pagmamay-ari ng kanilang mga lupang tinitirhan.

Ang ilan sa kanila ay nagsimula pa sa kanilang Community Mortgage Program (CMP) journey noong 1989.

Ayon kay Eileen Alcansare, pangulo ng Munting Paraiso HOA, panibagong simula para sa kanilang pamilya ang pagtanggap ng titulo.

“Sobrang saya po… masasabi ko nang akin na ’to. Ito na yung pinaghirapan naming mag-asawa na masasabi ko sa anak ko… ito na, may bagong buhay tayo, may bagong bahay tayo, may bagong lupa tayo. Kumbaga ito na yung mga pinapangarap natin,” aniya.

Hindi maitago ni Danilo Mercado ang kanyang saya at pagmamalaki dahil sa wakas ay nagkaroon na sila ng sariling pagmamay-aring tahanan.

“Sa paglalakad..hindi na makakababa ang noo, nakataas na kasi may sarili na [kaming bahay]… Sana lumaki at lumawak ang mga proyekto ng gobyerno para naman yung mga walang-wala ay magkaroon,” saad niya.

Binubuo ang Munting Paraiso HOA, Inc. ng 135 miyembrong benepisyaryo kabilang ang 25 miyembro na unang tumanggap ng kanilang mga titulo noong Handog ng Pangulo event sa San Juan City noong Setyembre.

Samantala, may kabuuang 849 miyembro ang Kaisahan Village HOA, Inc. Sa bilang na ito, 51 miyembro na ang nabigyan ng titulo sa SHFC head office sa Makati noong 2025.

Ibinahagi ni Rosalinda Vergara, miyembro ng Kaisahan Village HOA, na ang natanggap niyang titulo ay nagbigay sa kanya ng matagal na niyang inaasam na kapanatagan ng isip.

Nagpasalamat din si Brely Dogelio sa pamahalaan sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataong magkaroon ng sariling lupa sa abot-kayang halaga.

“Kung iisipin talaga, napakaliit at talagang abot-kaya… Kahit sino kayang-kaya makakuha ng sariling bahay. Salamat sa ating gobyerno at nagkaroon kayo ng programa na ganito.”

Ayon kay Secretary Aliling, ang naturang pamamahagi ng mga titulo ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng Pinalawak na 4PH Program na itaguyod ang kapakanan ng mga maralitang komunidad at mabigyan sila ng mas marangal na pamumuhay.

“Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang akses ng mga Pilipino sa mas ligtas, disente, at abot-kayang tahanan, patuloy po ang Expanded 4PH sa pagbibigay ng pagkakataon sa ating mga urban poor communities at low-income families na matupad ang kanilang pangarap na mapasakanila ang mga lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan,” ani Secretary Aliling.

Mula nang magsimula ang 2026, mahigit 5,400 titulo na ang ipinagkaloob sa mga benepisyaryo ng Community Mortgage Program (CMP) sa buong bansa.