Acidre1

Panukalang batas sa academic progress ng college students aprubado na ng Committee on Higher and Technical Educ

Mar Rodriguez Nov 14, 2026
118 Views

INAPRUBAHAN ng House Committee on Higher and Technical Education noong Huwebes ang panukalang batas na naglalayong protektahan ang academic progress ng mga college students na kailangang lumipat sa ibang paaralan.

Layunin ng House Bill No. 4920 o College Transfer Rights and Protection Act na magtakda ng malinaw, patas at pare-parehong proseso sa paglilipat ng mga estudyante sa iba’t ibang higher education institutions upang matiyak na hindi masasayang ang mga subject at academic units na kanilang natapos.

May-akda ng panukala sina TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez at Jude Acidre.

Binigyang-diin ni Rep. Romualdez na hindi dapat maging hadlang sa pagpapatuloy ng edukasyon ng mga estudyante ang kanilang pangangailangang lumipat ng paaralan dahil sa problemang pinansyal, responsibilidad sa pamilya, paglipat ng tirahan o iba pang personal na dahilan.

Ang paglilipat mula sa isang kolehiyo patungo sa iba ay dapat magsilbing paraan upang maipagpatuloy ang pag-aaral at hindi maging dahilan upang masayang ang panahon, pera at mga academic achievement na pinaghirapan ng mga estudyante.

Sa ilalim ng panukala, pagbabawalan ang mga kolehiyo at unibersidad na hindi makatarungang ipagpaliban o pigilan ang pagpapalabas ng official transcript of records, transfer credentials at iba pang kinakailangang dokumento ng mga estudyanteng lilipat ng paaralan basta’t natutugunan ang mga makatwirang requirement ng institusyon at mga patakaran ng Commission on Higher Education (CHED).

Inaatasan din ng panukala ang CHED na magpatupad ng iisang pamantayan sa buong bansa para sa pagsusuri at pagkilala sa mga academic units na natapos ng mga transfer students.

Kabilang dito ang pagtatakda ng pare-parehong pamantayan sa pagtanggap o accreditation ng mga natapos na asignatura, mga alituntunin sa maximum residency requirements at takdang panahon sa pagproseso ng transfer requests at credit evaluations upang maiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala.

Kinakailangang ilathala ng mga kolehiyo at unibersidad sa kanilang opisyal na website at student handbooks ang mga patakaran, proseso, requirements at takdang panahon para sa paglilipat ng academic credits.

Ayon kay Romualdez, hindi dapat mangapa ang mga estudyante sa mga kinakailangang dokumento at proseso o kung paano susuriin ang kanilang mga natapos na asignatura.

Binigyang-diin ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson Rep. Acidre na layunin ng panukala na protektahan ang mga pinaghirapan at pinuhunan ng mga estudyante sa kanilang edukasyon habang pinananatili ang kalidad at pamantayan ng mga kolehiyo at unibersidad.

Nilinaw ni Acidre na hindi nangangahulugan ang panukala na awtomatikong tatanggapin ng mga paaralan ang lahat ng academic units na natapos ng mga lilipat na estudyante.

“Hindi lahat ng estudyante ay may kakayahang manatili sa iisang paaralan hanggang makapagtapos. May mga kailangang lumipat dahil sa mga gastusin, pangyayari sa pamilya o pagbabago ng kanilang sitwasyon,” pahayag ni Acidre.

Dagdag pa niya, mahalagang maging malinaw at makatarungan ang proseso ng paglilipat ng paaralan habang pinangangalagaan ang academic standards ng mga kolehiyo at unibersidad.