Villar

ASEAN Summit pwedeng magdala ng trabaho, puhunan–Villar

22 Views

Villar1Villar2UMAASA si Sen. Mark Villar na magbubunga ng mas maraming pamumuhunan at trabaho para sa mga Pilipino ang pagho-host ng bansa sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Iginiit ng senador na dapat ding tugunan ang mga problemang direktang tumatama sa mamamayan, gaya ng pagtaas ng presyo ng bilihin, mahal na kuryente, kawalan ng trabaho at banta sa food security dulot ng El Niño.

“Umaasa tayo na magbubunga ang pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN ng mas maraming oportunidad para sa ating mga kababayan.

Mahalagang magamit natin ang pagkakataong ito upang makahikayat ng mga bagong pamumuhunan, makalikha ng trabaho, at mapalakas ang ating mga lokal na industriya,” ani Villar.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumilis sa 7.8% ang inflation noong Oktubre mula 7.2% noong Setyembre.

Umakyat sa 20.1 porsiyento ang inflation sa transportasyon. Umabot naman sa 9.3 porsiyento ang sa pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang panggatong.

Bagama’t bumagal sa 6.4 porsiyento ang food inflation, patuloy na tumataas sa 20.7 porsiyento ang inflation sa bigas.

Sa Labor Force Survey ng PSA noong Setyembre, 2.86 milyong Pilipino ang walang trabaho, habang 5.56 milyon ang underemployed o kulang ang oras o oportunidad sa pagtatrabaho.

Ayon kay Villar, kailangan ng mas pinaigting na aksyon at pakikipagtulungan sa mga karatig-bansa sa ASEAN para mapatatag ang presyo ng bilihin, maayos ang distribusyon ng pagkain, matugunan ang mataas na gastos sa transportasyon at matiyak ang abot-kayang kuryente.

Makatutulong ang pamumuhunan sa manufacturing, imprastraktura at teknolohiya para palakasin ang mga lokal na industriya at lumikha ng trabaho.

Binanggit ng senador na may pinagsamang ekonomiya ang ASEAN na humigit-kumulang $3.9 trilyon noong 2024 at populasyong halos 700 milyon.

Dapat palakasin ang ugnayan sa mga kapwa kasapi ng ASEAN at pagandahin ang kalagayan ng pagnenegosyo sa bansa sa pamamagitan ng mas pinasimpleng regulasyon, mas maayos na imprastraktura at mas mababang gastos sa negosyo.