Chiz sa DHSUD: Pabahay ‘wag ipangalan sa administrasyon

14 Views

PINAYUHAN ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na huwag ipangalan sa administrasyong Marcos ang mga programa sa pabahay para hindi ito ibasura ng susunod na uupo sa 2028.

Tinanong ni Escudero si DHSUD Undersecretary Marisol Anenias kung ano ang garantiyang magpapatuloy ang mga programa kapag nagpalit ng administrasyon dahil isa’t kalahating taon na lang ang natitira sa administrasyon.

“Kung may suggestion ako, Usec., huwag mong ipangalan sa pangalan ng administrasyon. Kasi ’pag pinangalan mo sa pangalan ng… sigurado akong hindi itutuloy ng susunod. Siyempre gagawa siya ng bago,” ani Escudero.

Mas may tsansang magpatuloy ang programa kung hindi ginagamit ang initials, byline o tagline ng Pangulo.

“Institutional legacy building. Hindi ’yong tao, not the personality, but the institution itself,” wika niya.

Mahirap baguhin ang polisiyang matibay at nakabatay sa datos, lalo kung ipinapahayag ng publiko na nakikinabang sila rito, sabi ng DHSUD usec.

Tinalakay din sa programa ang panukalang batas sa Senado na gagawing pormal na opsyon sa pabahay ang pag-upa o pagrenta. Hindi si Escudero ang orihinal na may-akda nito.

Polisiya lang ng DHSUD ang pagrenta sa ngayon kung hindi siya nagkakamali, at gagawin itong batas ng panukala.

“Hindi masama ’yon. Hindi dapat iwasan, takbuhan, o katakutan iyon,” giit ni Escudero.

Pangarap ng maraming Pilipino ang magkaroon ng sariling bahay. Pero kailangan ng “cultural change” para makita ng publiko na hindi masama ang umupa, lalo’t may kasamang gastos ang pagmamay-ari gaya ng tumataas na real estate tax.

Inusisa rin ni Escudero ang kalagayan ng BLISS, ang unang vertical socialized housing na itinayo noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon kay Anenias, binili ng National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) ang mga loan ng BLISS at ito ang nangongolekta ng bayad sa mga nakatira, na kadalasan ay mga kawani ng gobyerno.

Duda si Escudero na mga orihinal na benepisyaryo pa ang nakatira roon, at sinabi niyang malamang ay pina-sublease na ang ilang unit. “It’s possible,” tugon ni Anenias.

Iminungkahi ng senador na i-redevelop at pataasin pa ang mga gusali ng BLISS bilang on-site resettlement, dahil nasa magagandang lokasyon ang mga ito gaya ng malapit sa UP at Philcoa.

Ipinunto rin ni Escudero ang red tape sa housing assistance para sa mga nasalanta ng kalamidad.

Isa hanggang dalawang taon aniya ang inaabot bago ito mailabas, kaya naayos na ng mga biktima ang kanilang bahay bago pa ito ma-survey.

Sagot ni Anenias, mabilis na ngayong nakapagtatayo ang DHSUD ng modular shelter units para sa mga nasalanta habang ginagawa ang relocation sites.

Sa mga nakatira sa danger zones, sinabi ni Anenias na may partnership ang DHSUD sa Department of Transportation (DOTr) para ilipat ang mga pamilyang nasa tabi ng riles at daluyan ng tubig. Obligado rin aniya ang ahensya sa ilalim ng continuing mandamus ng Korte Suprema.

Samantala, sinabi ni Joey Roi Bondoc, research head ng Colliers Philippines, na sa pagtaas ng Pag-IBIG sa maximum housing loan sa P10 milyon, maaari nang masakop ang humigit-kumulang 90 porsiyento ng mga 80,000 hindi pa nabebentang condo sa Metro Manila.