Calendar
Magkaisa sa pagsusulong ng panawagan ng mga tao–Speaker Dy sa ASEAN members
NANAWAGAN si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga mambabatas na magkaisa sa pagsusulong ng mga panawagan at pangangailangan ng kanilang mga mamamayan sa mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Binigyang-diin ni Speaker Dy na mahalagang magkaroon ng iisang mensahe ang mga mambabatas upang mas mapalakas ang kooperasyon sa pagitan ng mga pamahalaan at mga lehislatura ng mga bansang kasapi ng ASEAN.
Ito ang naging pahayag ng House Speaker nitong Sabado sa pagbubukas ng 15th ASEAN–AIPA Leaders’ Interface Parliamentary Preparatory Meeting na ginanap sa Makati Shangri-La.
Ayon kay Dy, pangunahing tungkulin ng mga mambabatas na maging tulay sa pagitan ng mga mamamayan at ng mga layunin ng ASEAN para sa mas maunlad, mapayapa at nagkakaisang rehiyon.
“Our primary task is to bridge the voices of our people with the aspirational goals of ASEAN,” ang pahayag ni Speaker Dy.
Sinabi ng Speaker ang kahalagahan ng pagpapalakas ng ugnayan ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng pamahalaan upang matiyak ang isang matatag at inklusibong komunidad sa Timog-Silangang Asya.
Iniugnay rin ng Speaker ang temang “Navigating Our Future Together” ng Pilipinas bilang tagapangulo ng ASEAN sa temang “Parliaments Securing a Peaceful, Prosperous and People-centered ASEAN” ng ika-47 AIPA General Assembly.
Layunin ng preparatory meeting na pag-aralan ng mga delegasyon ng mga bansang kasapi ang burador ng AIPA Message at magkaroon ng pagkakasundo sa mahahalagang usaping panrehiyon bago ito iharap sa mga lider ng ASEAN.
Nagpahayag ng kumpiyansa si Dy na sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok at pakikipagtulungan ng bawat delegasyon ay makabubuo sila ng isang makabuluhang mensahe na magpapakita ng nagkakaisang paninindigan ng mga mambabatas sa rehiyon.
Itinalaga si Senior Deputy Speaker Ferdinand L. Hernandez bilang tagapangulo ng preparatory meeting, habang si AIPA Secretary-General Dr. Chem Widhya naman ang nagsilbing kalihim.
Pinangunahan ni Deputy Speaker Maria Rachel J. Arenas ang delegasyon ng Pilipinas, kasama sina Reps. Maria Carmen S. Zamora, Ma. Alana Samantha Taliño Santos, Emigdio P. Tanjuatco III at Jude A. Acidre.
Dumalo rin ang mga delegasyon mula sa Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Singapore, Timor-Leste at Vietnam, gayundin ang mga kinatawan ng AIPA Secretariat.
Nakatakdang idaos sa Linggo sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City ang 15th ASEAN–AIPA Leaders’ Interface bilang bahagi ng 49th ASEAN Summit.
Sa naturang pagpupulong, magtitipon ang mga pinuno ng mga bansa sa ASEAN at mga lider ng mga parliyamento upang talakayin ang mga mahahalagang usaping panrehiyon at pakinggan ang pananaw ng mga mambabatas.
Inaasahang pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., bilang ASEAN Chair, ang pagbubukas ng naturang dayalogo, habang si Speaker Dy naman ang maghaharap ng opisyal na mensahe ng AIPA.

