Calendar
Pagpapalit ng pangalan ng Cale88 Foods ‘di sapat para masagot tanong sa ‘di maipaliwanag na yaman ni VP Sara–Chua
IGINIIT ng House prosecution panel na hindi sapat ang pagpapalit ng mga may-ari ng Cale88 Foods Corp. noong 2026 upang masagot ang mga katanungan hinggil sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman at mga interes sa negosyo ni Vice President Sara Duterte na saklaw ng kanyang 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ayon kay Manila Rep. Joel R. Chua, nakatuon ang kasong kinakaharap ng Bise Presidente kung tama ang kanyang mga deklarasyon ng ari-arian at pananalapi hanggang 2025.
Ang Cale88 ay isang kompanyang nag-e-export ng banana chips na dati umanong may bahagi sa pagmamay-ari ng asawa ng Bise Presidente na si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Nilinaw ni Chua na ang 2025 SALN ni Duterte ang pangunahing batayan sa pagsusuri ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Nagsalita si Chua matapos tumestigo sa Senate impeachment court si Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo tungkol sa pagpaparehistro, operasyon at pagbabago ng pagmamay-ari ng Cale88.
Ayon kay Rodolfo, natuklasan lamang ng mga inspektor ng Board of Investments (BOI) ang pagbabago sa pagmamay-ari ng kompanya nang nagsagawa sila ng inspeksyon noong Mayo 18, 2026.
Kinuwestiyon naman ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kung bakit sa mismong inspeksiyon pa nalaman ng BOI ang naturang pagbabago.
Sinabi ni Adiong na kinailangan pang paalalahanan ng mga inspektor ang mga bagong may-ari tungkol sa kanilang obligasyong ipagbigay-alam sa ahensiya ang anumang pagbabago sa pagmamay-ari ng kompanya.
Dagdag pa niya, tila naging huling hakbang na lamang ang pagsusumite ng kaukulang dokumento matapos maisagawa ang pagbabago sa pagmamay-ari.
Pormal na nagsumite ang Cale88 ng kahilingan para sa pagbabago ng pagmamay-ari noong Hulyo 8, 2026, dalawang araw matapos magsimula ang impeachment trial ni Duterte.
Inaprubahan naman ito ng BOI noong Oktubre 29, 2026.
Nauna nang naiulat na nagmamay-ari si Carpio ng 47.5 porsiyentong bahagi sa Cale88. Samantala, ipinakita ng mga rekord na naunang inilahad ng prosekusyon na 95 porsiyento ng mga shares ng kompanya ay naiulat na nailipat sa Pikimong Philippines Corp. noong 2025.
Binigyang-diin ni Chua na hindi sapat ang mga dokumento at litrato na nagpapakita ng operasyon ng Cale88 sa ilalim ng bagong pamunuan noong 2026 upang ipaliwanag ang mga aktibidad at transaksyon nito noong mga taong saklaw ng impeachment allegations.
Kabilang sa mga sinusuri ng prosekusyon ang iniulat na kita at mga transaksyon ng Cale88, partikular ang mahigit P319 milyong papasok na remittance mula sa China.

