Dy

Timor Leste pang-11 miyembro ng AIPA

Mar Rodriguez Nov 21, 2026
101 Views

TINANGGAP ang Timor-Leste bilang ika-11 miyembrong parlamento ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) kasunod ng pagpasok nito sa organisasyon sa idinaos na 47th AIPA General Assembly sa Maynila noong Miyerkules.

Tinanggap ni House Speaker at AIPA President Faustino “Bojie” G. Dy III ang Timor-Leste, na nagmarka ng makasaysayang pagpapalawak ng organisasyong nag-uugnay sa mga parlamento ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya.

Sinalubong ng palakpakan ng mga lider ng parlamento, delegado at tagamasid mula sa iba’t-ibang bansa sa ASEAN ang pagiging ganap na miyembro ng National Parliament of Timor-Leste, isang taon matapos itong pormal na maging kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Ipinaliwanag ni Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez na isinagawa ang paglagda at pagpapatibay sa Instrument of Accession, na siyang nagkumpirma sa pagiging ganap na miyembro ng parlamento ng Timor-Leste sa AIPA.

Sinabi ni Timor-Leste National Parliament President Maria Fernanda Lay na ilang segundo lamang ang kanyang ginugol sa paglagda ng Instrument of Accession, ngunit inabot ng 13 taon mula nang una siyang dumalo sa AIPA bilang kinatawan ng isang parlamento na tagamasid lamang.

Binigyang-diin ni Lay na ang pagiging miyembro ng AIPA ay dapat maramdaman ng kanilang mga mamamayan sa kanilang pang-araw-araw na buhay at hindi lamang marinig sa mga talumpati ng kanilang mga lider.

Inilarawan ni Dy bilang makasaysayang pagkakataon ang pormal na pagtanggap sa Timor-Leste bilang ika-11 miyembro ng AIPA.

Gumamit pa ang Speaker ng isang halimbawa mula sa kaugaliang Pilipino upang ipakita ang mainit na pagtanggap sa bagong miyembro.

Ayon kay Dy, kapag may dagdag na panauhin sa hapag-kainan ng isang pamilyang Pilipino, hindi nangangahulugang liliit ang bahagi ng pagkain ng bawat isa.

Binigyang-pugay rin niya ang tapang at sakripisyong ipinakita ng mamamayan ng Timor-Leste upang makamit ang kanilang kalayaan at pagiging isang bansa.

Sa symbolic ceremony, inilipat ang watawat ng Timor-Leste mula sa hanay ng mga bansang tagamasid patungo sa seksiyon ng mga ganap na miyembro ng AIPA.