Calendar
IMPEACH TRIAL NI VP SARA DEC. 1 NA ANG BALIK
Hatol, target bago mag-adjourn ang Kongreso
SA Martes, Disyembre 1, na muling magpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio matapos tanggalin ng Senate impeachment court ang mga petsang Nobyembre 26 at 27 sa kalendaryo nito.
Iniutos ito ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero bago matapos ang ika-45 araw ng paglilitis nitong Biyernes, nang sabihin ng depensa na hindi pa makadadalo ang mga susunod nitong testigo.
“Our next witnesses are not available on 26 and 27,” ani lead defense counsel Atty. Sheila Sison, ayon sa mga ulat.
“We cancel the 26 and the 27 given the fact that counsel for the respondent and witnesses are not available,” sagot ni Escudero.
“We shall resume witness when your witness will be available on December 1. And we shall have four trial dates that week: 1, 2, 3 and 4,” dagdag niya.
Hanggang alas-3 na lamang ng hapon ang bawat pagdinig, ayon kay Atty. Regie Tongol, tagapagsalita ng korte, dahil magsasagawa ang Senado ng plenary session sa hapon bilang lehislatura.
Ibinabalik daw nito ang korte sa iskedyul na sinusunod bago ang buong-araw na sesyon noong Oktubre.
Maaari rin umanong makansela ang isang pagdinig kung aabisuhan ang mga partido isang araw bago nito, upang bigyang-daan ang talakayan sa panukalang 2027 national budget, ayon sa mga ulat.
Sinabi rin ni Tongol na nais ni Escudero na matapos ang paglilitis at mailabas ang hatol bago mag-adjourn ang Kongreso sa Disyembre, kung walang ihahaing rebuttal o surrebuttal ang alinmang panig.
“Ang target po talaga niya ay December po matapos to bago ang congressional adjournment,” ani Tongol.
Kung hindi ito kakayanin, pag-iisipan daw ng Presiding Officer na magdagdag ng mga araw ng paglilitis sa Disyembre o sa Enero.
Noong Oktubre, nilinaw ni Escudero na wala pang itinakdang petsa ng hatol, matapos lumabas ang Disyembre 16 bilang posibleng araw nito, ayon sa mga naunang ulat.
Kasalukuyang inilalatag ng depensa ang mga ebidensya nito kaugnay ng Article II ng Articles of Impeachment, na tumutukoy sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente. Itinanggi niya ang mga alegasyon.

