Calendar
Poe nananawagan ng pananagutan sa kaso ng panloloko sa pet crematorium sa Cavite
Ayon kay Poe, masakit na mawalan ng alagang hayop na itinuring nang bahagi ng pamilya, ngunit mas lalo umanong nagpapabigat sa dinaranas ng mga may-ari ang posibilidad na ang mga abo na kanilang naiuwi ay hindi pala nagmula sa kanilang mga alagang hayop.
Binigyang-diin ng kongresista na nararapat lamang malaman ng mga pamilyang nagtiwala sa naturang serbisyo ang katotohanan at mabigyan ng katarungan.
Dahil dito, hinimok ni Poe ang NBI at Department of Justice (DOJ) na masusing at agarang imbestigahan ang mga reklamong inihain at panagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas.
Kaugnay nito, binanggit ni Poe ang kanyang inihain na House Bill No. 11785 o Beyond Pet Loss and Care Act na naglalayong magtakda ng mas mahigpit na regulasyon at pamantayan sa pagpapatakbo ng mga pasilidad na nagbibigay ng serbisyo sa cremation ng mga alagang hayop.
Sa ilalim ng panukalang batas, kinakailangan ang lokal na pagpaparehistro at paglilisensya sa mga pet crematorium, pagtatakda ng minimum standards sa pasilidad at pangangalaga sa mga labi ng hayop, at pagkakaroon ng nakasulat na kasunduan sa pagitan ng service provider at kliyente.
Iminumungkahi rin nito ang pagkakaroon ng natatanging tracking reference number para sa bawat alagang hayop na tatanggapin ng pasilidad upang masubaybayan ang proseso mula sa pagtanggap hanggang sa cremation at pagbabalik o paglalabas ng mga labi.
Partikular ding nakasaad sa panukala na kung nagbayad ang isang pamilya para sa individual cremation, kailangang tiyakin ng service provider na magkakahiwalay at natutukoy ang mga labi ng bawat alagang hayop.
Kasama rin sa panukalang batas ang regular na inspeksyon sa mga pasilidad, mekanismo para sa paghahain ng reklamo at kaukulang parusa sa mga mapatutunayang lalabag sa mga itinakdang regulasyon.
Nagpasalamat din si Poe sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at sa mga animal rescuer na tumulong sa mga pamilyang lumantad at nagbigay ng impormasyon at ebidensiya kaugnay ng insidente.
Hinimok niya ang mga apektadong pet owner na ingatan ang kanilang mga urn, resibo, palitan ng mensahe at iba pang rekord ng transaksiyon upang magamit sa imbestigasyon. Pinayuhan din silang makipag-ugnayan sa NBI para sa wastong pagsusuri at pagsusumite ng mga ebidensiya.
Tiniyak ni Poe na isusulong niya ang pagpasa sa House Bill No. 11785 at makikipagtulungan sa mga pamilyang apektado, animal welfare groups, responsableng service providers at mga regulatory agency upang mapalakas ang proteksiyon laban sa mga posibleng pang-aabuso.
Binigyang-diin ng kongresista na nararapat lamang na tratuhin nang may dignidad ang mga alagang hayop kahit pumanaw na ang mga ito, dahil itinuring silang bahagi ng pamilya at karapat-dapat na mabigyan ng maayos at marangal na pamamaalam.
“Minahal natin sila bilang pamilya. Karapat-dapat silang tratuhin nang may dignidad kahit pagkamatay, at nararapat ding makatanggap ang mga pamilyang nagmahal sa kanila ng tapat at mapagkakatiwalaang serbisyo,” diin ni Poe.
To God be the Glory

