MWP SOURCE: Larawan mula sa FB/PNP

ISABELA’S NO. 1 MOST WANTED, TIMBOG SA PAGKITIL SA DATING BEAUTY QUEEN

79 Views

ARESTADO ang itinuturing na No. 1 most wanted person sa Isabela kaugnay ng pagpatay sa dating Miss Philippines Earth 2013 3rd Runner-Up sa isang operasyon sa Barangay San Isidro, Cainta, Rizal, nitong Nobyembre 23, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Kenneth,” 30-anyos, na dinakip ng Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (PPO), katuwang ang iba pang yunit ng pulisya.

May bisa laban sa suspek ang warrant of arrest dahil sa kasong murder, na walang inirekomendang piyansa. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng San Manuel Police Station habang hinihintay ang paglilipat sa korte na naglabas ng warrant.

Iniuugnay ang suspek sa pamamaslang sa dating beauty queen noong Pebrero 13, 2026. Binaril ang biktima ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa harap mismo ng kanyang tirahan sa Barangay Cabaritan, San Manuel, Isabela.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalagang hakbang ang pagkakadakip upang maituloy ang proseso ng hustisya para sa biktima at sa kanyang pamilya.

Patuloy namang hinihikayat ng Isabela PPO ang publiko na magsumbong at magbigay ng impormasyon tungkol sa mga wanted person upang makatulong sa paghahanap sa mga ito.