Calendar
Inaprubahan ng Kamara sa huling pagbasa mas mahigpit na panukala vs s*xual h*rassment, grooming
INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magpapalakas sa Safe Spaces Act sa pamamagitan ng pagpapataw ng mas mabibigat na parusa sa gender-based sexual harassment at pagsasailalim sa kaparusahan ng gawaing grooming upang higit na maprotektahan ang mga bata laban sa pang-aabusong seksuwal at pagsasamantala.
Nakakuha ng 200 boto pabor, dalawang boto laban at isang abstention ang House Bill No. 11264 na pangunahing inakda nina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, kasama ang iba pang mga mambabatas.
Alinsunod sa tagubilin ni Speaker Dy, pinangunahan ni Majority Leader Marcos ang pagsusulong ng panukala sa Kamara upang palakasin ang proteksiyon laban sa sexual harassment at matugunan ang mga bagong uri ng pang-aabuso, partikular sa digital platforms o internet.
Sinabi ni Speaker Dy na layunin ng panukalang batas na amyendahan ang Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act upang palawakin ang saklaw nito, kabilang ang mas maraming pampublikong lugar sa mga lungsod at kanayunan. Saklaw din nito ang online sexual harassment na isinasagawa sa pamamagitan ng artificial intelligence (AI) at iba pang makabagong teknolohiya.
Ayon sa Speaker, sa ilalim ng panukala, papatawan ng pagkakakulong o multang mula ₱300,000 hanggang ₱600,000 o kapwa parusa, ang sinumang mapatutunayang gumawa ng grooming, kahit hindi pa humantong sa aktuwal na pang-aabusong seksuwal o pagsasamantala ang naturang gawain.
Itinakda rin na mandatory ang pagkakakulong kapag ang gumawa ng grooming ay isang nasa hustong gulang at ang biktima ay menor de edad.
Samantala, papatawan naman ng pagkakakulong o multang mula ₱250,000 hanggang ₱500,000 o kapwa parusa, ang mga mapatutunayang gumawa ng gender-based sexual harassment sa mga lugar ng trabaho, paaralan at mga institusyong nagsasagawa ng pagsasanay.
Dagdag pa ni Speaker Dy na hindi rin palalampasin ang mga opisyal ng pamahalaan at empleyado ng gobyerno na nagtataguyod o naghihikayat ng sexual harassment at paggamit ng mga mapanirang pananalita laban sa kababaihan, transgender, homosexual at iba pang kasarian.
Para sa mga unang beses na lalabag, nakasaad ang multang mula ₱100,000 hanggang ₱200,000 at mandatoryong suspensiyon nang walang sahod sa loob ng hindi bababa sa anim na buwan.
Para naman sa mga paulit-ulit na lalabag, papatawan sila ng multang mula ₱200,000 hanggang ₱300,000 sapilitang pagtanggal sa puwesto at pagbabawal na humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan sa loob ng hindi bababa sa limang taon.
Bilang hakbang laban sa online sexual harassment, inaatasan din ng panukala ang mga internet intermediary o kumpanyang nagsisilbing tagapamagitan sa mga serbisyong online na alisin o harangin ang access sa mapanirang digital content sa loob ng 24 oras mula nang makatanggap ng abiso o legal na kautusan mula sa kinauukulang awtoridad.
Inaatasan din ang mga paaralan at institusyong nagsasagawa ng pagsasanay na kumuha ng kinakailangang safety clearance bago kumuha ng sinumang empleyado upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mapanatiling ligtas ang kapaligiran ng pag-aaral.
Pinalalawak din ng panukala mula lima hanggang 10 taon ang prescriptive period o panahong maaaring magsampa ng kaso para sa mga partikular na paglabag, upang magkaroon ng mas mahabang panahon ang mga biktima na humingi ng hustisya.
Samantala, inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang pagkakaroon ng mga serbisyong sensitibo sa kasarian at isinasaalang-alang ang trauma ng mga biktima, kabilang ang pagpapayo, serbisyong legal at iba pang kinakailangang suporta.
Kabilang din sa mga may-akda ng panukala sina Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao; Akbayan Party-list Reps. Chel Diokno, Perci Cendaña at Dadah Kiram Ismula; 4Ps Party-list Rep. JC Abalos; Solid North Party-list Rep. Ching Bernos; Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago; ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio at Kabataan Party-list Rep. Renee Co.
Kasama rin sa mga may-akda ang iba pang mga kongresista mula sa iba’t ibang distrito at party-list, kabilang sina dating kinatawan Leila de Lima, Lani Mercado-Revilla, Edgar Erice, Eric Olivarez, Ysabel Maria Zamora, Sarah Elago at iba pa.
Inaasahang magbibigay ang panukalang batas ng mas malawak na proteksiyon sa publiko, partikular sa kababaihan at mga bata, laban sa sexual harassment, grooming at iba pang uri ng pang-aabuso, maging sa aktuwal na kapaligiran o sa internet.
Layunin nitong matiyak na may sapat na proteksiyon ang bawat mamamayan at may pananagutan sa ilalim ng batas ang sinumang magsasamantala o mang-aabuso sa kapwa.

