Calendar
Paglalagay ng LTFRB branch sa San Agustin ipinanukala ni Madrona
ISINUSULONG ni Romblon Rep. Eleandro “Budoy” Madrona ang pagtatatag ng branch ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa San Agustin, Romblon sa pamamagitan ng House Bill No. 10534.
Layunin ng panukalang batas na magtatag ng LTFRB District Office sa nasabing bayan upang mailapit sa mga mamamayan ang mga serbisyo ng ahensya, partikular sa mga usaping may kaugnayan sa prangkisa at regulasyon ng pampublikong transportasyon.
Sinabi ng kongresista na kabilang din sa panukala ang paglalaan ng kinakailangang pondo upang matiyak ang maayos na operasyon ng naturang tanggapan.
Batay sa legislative update ni Madrona, inaprubahan ng House Committee on Transportation ang House Bill No. 10534 noong Nobyembre 11, 2026.
Iniendorso na rin ni Madrona ang panukala sa House Committee on Appropriations upang talakayin at suriin ang mga probisyon nito hinggil sa kinakailangang pondo, bilang paghahanda sa paghahain ng kaukulang committee report.
Makatutulong ang pagtatatag ng LTFRB District Office sa San Agustin upang hindi na kailangang bumiyahe nang malayo ang mga operator at iba pang mamamayang nangangailangan ng serbisyo ng ahensya.
Gayunman, nilinaw na hindi pa ganap na batas ang panukala dahil kailangan pa nitong dumaan sa mga susunod na proseso ng pagtalakay at pag-apruba sa Kongreso at Senado.
Layunin ni Cong. Budoy na higit pang mapalapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga Romblomanon at mapadali ang pag-asikaso sa kanilang mga pangangailangan sa sektor ng transportasyon.

