Kasambahay Source: NCRPO

P3.5M ng amo ibinigay sa lalaki ng 2 kasambahay matapos ang pekeng tawag

66 Views

ARESTADO ang dalawang kasambahay matapos makumbinsi ng pekeng tawag na buksan ang vault ng kanilang amo at tangayin ang P3.55 milyong halaga ng cash, mamahaling relo at alahas sa Barangay Mariana, New Manila, Quezon City, nitong Miyerkules ng hapon.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-4:30 ng hapon nang tawagan ng isang hindi kilalang babae ang isa sa mga kasambahay at ginaya ang boses ng kanilang amo.

Nagkunwari ang babae na nasangkot sa isang aksidente at kailangan umano ng agarang pera para sa pagpapagamot ng isang batang nadamay.

Dahil sa pekeng emergency, inutusan ang kasambahay na buksan ang vault sa kuwarto ng amo. Humingi ito ng tulong sa isa pang kasambahay at ginamitan nila ng construction tools ang vault hanggang mabuksan.

Nang makuha ang mga laman nito, iniabot umano ng dalawa ang mga ninakaw sa isang lalaking kasabwat na naghihintay malapit sa isang simbahan sa Barangay Mariana.

Tinatayang P300,000 cash at P3.25 milyong halaga ng mamahaling relo at alahas ang natangay sa insidente.

Kabilang sa mga ninakaw ang gold Patek Philippe watch, dalawang Rolex, pearl choker, mga South Sea pearl set, blue sapphire set at gold jewelry set.

Kapwa nakakulong na ang dalawang kasambahay habang tinutugis pa ng pulisya ang babaeng tumawag at lalaking tumanggap sa mga nakulimbat na gamit.

Nagbabala naman si NCRPO Acting Regional Director PBGEN Christopher N. Abrahano sa publiko na huwag magpadala sa mga tawag na may dalang pekeng emergency at tiyaking beripikado muna ang impormasyon bago maglabas ng pera o mahahalagang gamit.