Calendar
Panukala na nagbibigay sa IPOPHIL ng mas malawak na kapangyarihan pasado na
NAAPRUBAHAN ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magbibigay ng mas malawak na kapangyarihan sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) upang protektahan ang mga orihinal na likha at lehitimong negosyo.
Sa botong 234 pabor, inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 11616 na naglalayong amyendahan ang Intellectual Property Code at palawakin ang kapangyarihan ng IPOPHL sa pagpapatupad ng batas.
Sa tagubilin ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, pinangunahan ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang mabilis na pag-apruba sa panukala.
Sa ilalim ng panukala, maaaring humiling ang mga copyright owner at rights holder sa IPOPHL na harangan ang access sa mga website o online location na pangunahing ginagamit o may pangunahing epekto sa paglabag sa copyright o pagpapadali ng naturang paglabag.
Inaatasan din ang mga internet service provider na sumunod sa utos na pag-disable o pagharang sa loob ng 48 oras mula sa pag-isyu nito, gamit ang epektibong teknikal na paraan upang pigilan ang access sa tinukoy na website o online location.
Maaari ring saklawin ng isang umiiral na blocking order ang iba pang online location na konektado sa parehong lumalabag na operasyon, kabilang ang mga website na gumagamit ng parehong pangalan, branding o operator upang makaiwas sa pagpapatupad ng batas.
Maaari lamang hindi abisuhan ang site operator sa mga partikular na pagkakataong nakasaad sa panukala, gaya ng hindi matagumpay na makatwirang pagsisikap na matukoy, mahanap o maabisuhan ang operator.
Itataas din ng panukala ang administrative fines mula sa kasalukuyang P5,000 hanggang P150,000 tungo sa P100,000 hanggang P1 milyon.
May karagdagang multa na hindi bababa sa P10,000 bawat araw para sa patuloy na paglabag.
Bibigyan din ang IPOPHL ng malinaw na kapangyarihang magsagawa ng intelligence gathering, imbestigahan ang mga pinaghihinalaang paglabag at magsagawa ng pagbisita o inspeksyon sa mga establisimyento sa mga makatwirang oras.
Maaari rin itong magrekomenda sa mga kinauukulang awtoridad ng pagkansela ng business permit o lisensya ng mga negosyong lumalabag sa intellectual property rights.
Malinaw ding isasama sa depinisyon ng pirated goods ang mga lumalabag na electronic at digital content, bilang pagkilala na ang ilegal na pagkopya at pamamahagi ng mga gawa ay malawak nang nagaganap online.
Palalawakin din ang proteksiyon sa trademark upang hindi lamang nakikitang marka ang saklaw, basta ang isang palatandaan ay may kakayahang makilala at maihiwalay ang produkto o serbisyo ng isang negosyo mula sa iba.
Maaari ring magsampa ng iisang reklamo laban sa maraming online location na may kaugnayan sa parehong paglabag, basta kumpleto ang kinakailangang impormasyon.
Inaatasan ang IPOPHL na maglabas ng implementing rules and regulations sa loob ng 90 araw mula sa pagiging epektibo ng batas upang maisagawa ang mga bagong mekanismo at pinalawak na kapangyarihan sa pagpapatupad.

