Martin

Ex-Speaker Romualdez lalo pang palalakasin mga programa para sa mamamayan

Mar Rodriguez Nov 27, 2026
52 Views

NANINDIGAN si dating House Speaker at kasalukuyang Leyte Representative Ferdinand Martin G. Romualdez na sa kabila ng mabigat na suliranin at pagsubok na kinakaharap niya, lalo pa niyang palalakasin ang programang pangkalusugan at serbisyong medikal sa kanyang distrito.

Ito ang tiniyak ni Romualdez, kasunod ang kanyang pahayag na batid niya ang mga pangangailangan ng bawat komunidad kaya sisikapin niyang matiyak na mabilis na makatatanggap ng serbisyong medikal ang mga mamamayan sa kanilang lugar.

“Upang maisakatuparan ito, tinitiyak natin ang tuloy-tuloy na suporta sa ating mga pampublikong ospital, Rural Health Units (RHUs), at mga barangay health station,” ang pahayag ni Romualdez.

Tiniyak din ng kongresista na magsisikap siyang mapalawak ang pagkakaroon ng makabagong kagamitang medikal, sapat at bihasang mga health worker, gayundin ang integrasyon ng digital health services sa mga bayan.

Layunin nitong mailapit ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga residente upang hindi na kailangang bumiyahe pa nang malayo, partikular sa mga lungsod, ang mga pamilya para lamang makakuha ng kinakailangang konsultasyon at pagpapagamot.

Binigyang-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng pagpapalakas sa mga pampublikong ospital at mga pasilidad pangkalusugan sa mga komunidad upang matiyak na mas maraming mamamayan ang makatatanggap ng maagap, maayos at dekalidad na serbisyong medikal.

Sa pamamagitan ng patuloy na suporta sa mga pasilidad pangkalusugan, modernisasyon ng mga kagamitang medikal at pagpapalakas sa hanay ng mga health worker, hangad ni Romualdez na magkaroon ng mas accessible at maaasahang serbisyong pangkalusugan ang bawat komunidad sa kanyang distrito.