Gatchalian

Batas na magpapatibay sa arbitral win ng PH sa WPS isinusulong ni Sen. Gatchalian

239 Views

ITINUTULAK ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagpapatibay ng batas na magtatatag ng mga maritime zone sa Pilipinas dahil magpapalakas ito sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea na pinagtibay ng 2016 arbitral ruling.

Binigyang-diin ito ni Gatchalian kasunod ng pagdinig na isinagawa ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones.

Magpapatibay sa 2106 landmark arbitral victory ang naturang panukala kapag naisabatas, ayon sa senador.

Pinawalang-bisa ng desisyon ang pag-aangkin ng Beijing sa tinaguriang nine-dash line sa West Philippine Sea.

“Pinakamahusay na depensa at ang pinakamalakas na mensahe natin ang ligal na pagkilala sa arbitral ruling sa buong mundo na iginigiit natin ang ating soberanya at ang ating mga karapatan,” sabi ng senador.

Inihain ni Gatchalian kamakailan ang Senate Bill 2394 o ang Philippine Maritime Zones Act na naglalayong tukuyin ang mga maritime zone ng bansa, at itugma ang mga batas ng bansa sa maritime territory na nasa ilalim sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

“Pagtitibayin ng ating mga batas ang 2016 arbitral ruling at ito ang magiging isa sa pinakamalakas na senyales sa mundo, na iginigiit natin ang ating soberanya at iginigiit natin ang ating eksklusibong economic zone at ang ating mga karapatan sa rehiyon,” diin ni Gatchalian.

Nangangahulugan na pagtitibayin ng bansa ang pagdedeklara ng ating maritime zone boundaries ang geographical extent ng maritime domain nito.

Sa ilalim ng panukalang batas ni Gatchalian, binubuo ng internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf alinsunod sa international law ang mga maritime zone ng bansa.

Upang mapahusay ang pambansang seguridad ng Pilipinas at protektahan ang mga interes sa ekonomiya at kapaligiran nito, naghain din si Gatchalian ng isa pang panukalang batas na naglalayong italaga ang archipelagic lanes ng bansa.