Calendar
Surot, daga ginagamit para sirain PBBM admin, pagbabalik ng tanim-bala pinangangambahan
POSIBLE umano na ginagamit ang nag-viral na surot at daga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para papangitin ang imahe ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Sa isang press conference, sinabi ni House Assistant Majority Leader Raul Angelo “Jil” Bongalon ng Ako Bicol Partylist na nakakapagtaka na magkasunod ang pangyayari na parehong nakatuon sa pagkuha ng kritisismo laban sa pangunahing paliparan ng bansa.
“Posible po ba na maging destabilization ito laban sa present government? Posible po. That is my take,” sabi ni Bongalon.
“Ito po ay kailangang tugunan ng management or mga opisyales ng NAIA and probably they can issue a certification that the airports are now pest-free. Because, again, this will put the administration in a bad light na alam natin ang airport ay gateway papunta sa ibat-ibang bansa,” dagdag pa ng solon.
Inihalintulad ng solon ang kontrobersya sa “tanim-bala” modus ilang taon na ang nakakaraan kung saan nilalagyan ng bala ang bagahe ng mga pasahero upang nahingan ng kotong ang mga ito.
“Napaka-unusual lang po ano. Kasi una, surot. Ngayon daga na naman. Eh hindi na po natin dapat hintayin na dumating pa sa punto na yung tanim-bala ay bumalik na naman,” sabi ni Bongalon.
“So, I guess, meron na po tayong kasamahan dito sa House of Representatives that will call for a legislative investigation with regards to this issue dahil nakakahiya po talaga sa atin,” dagdag pa nito.
Para naman kay Deputy Majority Leader for Communications Erwin Tulfo ng ACT-CIS Partylist, walang ibang dapat na sisihin ang NAIA management kundi ang sarili nito.
“Palagay ko ho may problema ho iyong sa NAIA management. Simple lang ho solusyon diyan eh, meron naman tayong mga pest control di ho ba? Palinisan naman yung mga upuan. Mukhang napapansin ko ho marami ang janitor doon pero wala hong pest control,” ani Tulfo na kasama ni Bongalon sa press conference.
“Iba ho ang trabaho ng pest control sa janitor. Maano naman ho yung silipin nila siguro … Nagkamali sila, mukhang nakalimutan nila na meron po tayong mga pest control,” dagdag pa ni Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na luma na ang mga pasilidad ng NAIA at kailangan na itong ayusin.
“Saka lumang-luma na po ang building na iyan. Kailangan na po talagang magkaroon tayo nang mga ganyan klaseng maintenance. Nakakahiya na kasi. Yan po ay international airport, may mga turista tayo diyan nakakahiya po,” paliwanag nito.
“Siguro talagang napabayaan lang ng NAIA management. Ewan ko kung gusto nilang magtipid. Siguro naisip nila na ganyan kaluma na building, may mga daga talaga diyan, may mga surot, may mga ipis. Sana nag-hire na lang sila and I think that is what they are doing now,” sabi pa ni Tulfo.