Calendar
HB 10740 layuning bigyan ng agri pension mangingisda, magsasaka
IGINIIT ng isang mambabatas sa Kamara na mabigyan ng agricultural pension ang mga mangingisda at magsasaka sa bansa.
Ang panukala ay inihain ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes.
Layunin ng House Bill No. 10740 na mabigyan ng agricultural pension ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Paliwanag ni Ordanes, bagamat napakalaki ng bahagi ng mga magsasaka at mangingisda sa ekonomiya at buhay ng sambayanan, nananatiling isa sila sa mga pinakamahirap na sektor sa Pilipinas.
Aniya, importante ang mga magsasaka at mangingisda sa seguridad sa pagkain sa bansa at sila ang nagpapasigla ng kabuhayan sa mga kanayunan.
Inihain umano niya ang panukalang batas upang sa pagtanda ng mga nasa sektor ng agrikultura ay may regular silang matatanggap na pensyon para sila ay may pangtustos sa kanilang mga pangangailangan, tulad ng mga gamot.
Naniniwala din ito na ang pagbibigay ng pensyon sa mga magsasaka at mangingisda ay makakapanghikayat sa mga kabataan na ikunsidera ang sektor ng agrikultura bilang paraan ng regular na pagkakakitaan at kanilang ikabubuhay.
Ang pagbibigay aniya ng pensiyon sa mga magsasaka at mangingisda ay munti ngunit napakahalagang pagkilala sa kanilang ambag sa pang-araw araw na buhay ng kanilang mga kapwa Filipino.
“Kapag naging ganap na batas pagtitibayin din nito ang sektor ng agrikultura sa bansa,” pahayag ni Ordanes.