Baril

Away-babae nauwi sa tutukan ng baril, 1 tiklo

Gil Aman Aug 28, 2024
32 Views

MAHAHARAP sa kasong alarm at scandal, grave threat at paglabag sa RA 1059 ang isang babaeng nanutok umano ng baril sa nakasagutang kapwa babae Martes ng gabi sa Calamba City, Laguna.

Sa ulat ng Calamba City police na ipinadala kay Laguna Provincial Director P/Col. Gauvin Mel Unos, kinilala ang arestadong suspek na si alyas Shailyn.

Naganap ang insidente dakong 10:40 ng gabi sa pagitan ng suspek at ang complainant na si Mariel Banton Contreras sa Lot 14, Blk 11, Geneva St., Phase 2, Calamba Hills, Barangay Barandal ng naturang lungsod.

Ayon sa Calamba police, nasa kainitan ng pagtatalo ang dalawa ng bigla na lamang bunutin ng suspek ang 9mm na kalibra ng baril sa isang bag at saka itinutok sa biktima na dahilan upang maalarma ang ibang mga residente.

Agad humingi ng saklolo ang mga nahintakutang residente sa lugar sa pulisya dahilan upang maaresto ang suspek.

Nabawi sa pag-iingat ni alyas Shaillyn ang bitbit na baril gayundin ang isang magazine na may 7 bala ng 9mm caliber.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa himpilan ng pulisya habang inihahanda na ang kaso laban sa kanya.