BI Source: Bureau of Immigration

BI: 15 undocumented na dayuhan nakorner sa Tawi-Tawi

Jun I Legaspi Sep 2, 2024
115 Views

KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) sa Mindanao ang pag-aresto sa 15 undocumented foreign nationals sa Tawi-tawi nitong Setyembre 1.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, inaresto ang 8 Chinese at 7 Malaysian pagpasok sa teritoryo ng Pilipinas sakay ng 2 speedboat.

Ang 15 ay iniulat na naharang ng magkasanib na elemento ng Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Navy (PN), at Philippine Army (PA) sa kanilang pagsasagawa ng maritime patrol sa mga border areas.

“Early morning today, we received information from the patrolling agencies that those arrested have been transported to Bongao for processing,” saad ni Tansingco.

Sa inisyal na beripikasyon, nakumpirmang iligal ang pagpasok ng mga dayuhan sa bansa dahil walang nakitang tala ng kanilang pagpasok.

Sinabi ni Tansingco na inihahanda na nila ang deportasyon laban sa 15 na pinaniniwalaang nagtangkang pumasok sa bansa para magtrabaho nang ilegal.

Sinabi ng BI Chief na ang pag-aresto ay resulta ng aktibong pagpapatrolya ng mga maritime agencies na nangangalaga sa mga hangganan ng bansa.

Mahigpit na nakikipagtulungan ang BI sa mga ahensyang ito para sa kaukulang aksyon sa mga dayuhan na posibleng isama sa blacklist ng ahensya.