Chopper Source: Presidential Airlift Wing)

Pres’l choppers umarangkada sa pamimigay ng ayuda sa Bicol

Chona Yu Oct 28, 2024
55 Views

UMARANGKADA na ang Presidential choppers sa pamamahagi ng ayuda sa mga biktima ng bagyong Kristine sa Bicol region.

Ayon sa pahayag ng Presidential Communications Office, dalawang Bell 412 VVIP at isang S70i Blackhawk helicopters ang bumiyahe sa Bicol region.

Unang tinungo ng Presidential choppers ang Panoypoyan landing zone sa Bula, Camarines Sur bitbit ang 109 na sako at 68 na kahon ng ibat ibang uri ng relief goods.

Sunod naman na tinungo ng Presidential choppers ang Pantao landing zone sa Libon, Albay bitbit ang 171 kahon ng ibat ibang relief goods.

Nasa 1,200 pamilya o 4,800 indibidwal ang nabigyan ng ayuda.

Galing ang mga Presidential choppers sa 250th Presidential Airlift Wing ng Presidential Security Command.

Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipagagamit na rin niya ang Presidential choppers sa relief operations para mapabilis ang pamimigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo.