Misis suspek sa pagdedo sa Pakistani na mister, tiklo

Edd Reyes Nov 18, 2024
12 Views

TIKLO ang ginang na sinasabing utak ng pagpatay sa kanyang asawang Pakistani nang matunton ng mga pulis sa Valenzuela City noong Sabado.

Dinakip ang suspek na si alyas Jenna sa Maysan Road, Brgy. Maysan, Valenzuela sa bisa ng warrant of arrest galing kay Bataan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ma. Lourdes Eltanal Ignacio ng Branch 5 para sa kasong murder.

Nagsimulang magtago sa South Balintawak, Quezon City si alyas Jenna matapos matuklasan na sangkot sa pagpatay sa negosyanteng asawa noong 2023 sa Bataan.

Pinagbabaril ang dayuhan ng dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo na nagpanggap na customer sa kanyang resort sa Brgy. Payumo, Dinalupihan, Bataan.

Nakatakas ang mga suspek subalit sa pagsisiyasat ng pulisya, natuklasan na ang mismong may-bahay niyang Pinay na si alyas Jenna ang nasa likod ng pamamaslang.

Ayon kay Valenzuela City Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, ikinasa nila ang operasyon, katuwang ang mga tauhan ng Dinalupihan Police Municipal Station, Bataan Provincial Police Office, at Regional Intelligence Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO), para matimbog ang suspek.

“This is a significant step in ensuring justice for the victim and his family.

The apprehension of Jenna demonstrates our relentless pursuit of wanted criminals, regardless of the time that has passed or where they attempt to hide,” pahayag ni P/Col. Cayaban.