Calendar
Tanggapan ni Revilla namahagi ng tulong sa nasunugan sa Isla Puting Bato
NAMAHAGI ng tulong ang tanggapan ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. Lunes ng hapon sa bawa’t pamilyang nawalan ng tirahan sa malaking sunog na tumupok sa mahigit isang libong kabahayan sa Isla Putting Bato sa Tondo.
Si Cavite 2nd District Representative Lani Revilla ang kumatawan sa Senador sa pamamahagi ng mga food packs at tig-anim na litrong tubig sa may 1,864 na pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa Del Pan Evacuation Center.
Sinabi ng maybahay ni Sen. Bong Revilla na gagawa sila ng paraan ng kanyang asawa upang madagdagan pa ang tulong na kanilang ibibigay sa bawa’t pamilyang naninirahan sa Purok 1, 2, at 3, Brgy. 20 Zone 2 District 1 na naabo ang mga tirahan sa nangyaring sunog.
Kausap na aniya niya si Brgy. Capt. Anthony Igus ng Isla Puting Bato upang magbigay ng listahan para sa mga pamilyang hindi pa nakakatanggap ng ayuda upang magawan nila ng paraan.
Sa panayam kay Rep. Lani Revilla, sinabi niya na magpapadala ng sulat si Sen. Bong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mabigyan din ng tulong pinansiyal ang mga nasunugan sa pamamagitan ng tanggapan ng Senador.
Bukod dito, hihilingin din aniya nila sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na magpadala ng construction materials bilang tulong sa mga pamilyang puwede pang magbalik sa kanilang tirahan sa oras na muling maitayo ang kanilang bahay.
Dakong alas-3 ng hapon nang dumating sa naturang evacuation center si Rep. Lani Revilla upang pangunahan ang pamamahagi ng dala nilang mga food packs at inuming tubig na labis na ikinagalak ng mga residenteng nasunugan.