Bangkay

Biyuda, 68, ‘nalunod’, nakitang lumulutang sa beach resort

21 Views

ISANG bangkay ng 68-anyos na babae noong Linggo ang natagpuang lumulutang sa isang beach resort sa Brgy. Ilijan, Batangas City.

Ang biktima ay napag-alamang walang trabaho at residente ng Brgy. Cuta, Batangas City.

Isang tawag sa telepono ang natanggap ni PSSg Jaypee Ilagan, duty radio operator ng Batangas City Police Station, mula sa Jesus of Nazareth Hospital, tungkol sa insidente ng pagkalunod.

Ayon sa imbestigasyon, bandang 2:30 ng hapon ng January 5, 2025, nang makita ng mga bisita sa resort ang lumulutang na biktima na pinaniniwalaang nalunod.

Ang nasabing biktima ay agad dinala sa nabanggit na ospital ngunit idineklara itong patay ng kanyang attending physician na si Dr. Rogelio Loriel Pascual bandang 3:24 ng hapon ng parehong araw.

Dinala ang bangkay ng biktima sa San Fernando Funeral Homes na matatagpuan sa Brgy. Kumintang Ibaba, Batangas City.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga kapulisan.