Calendar
Mini-carnival tuloy kahit tapos na Pasko
IDINAOS nito lang Linggo ang Feast of the Three Kings, na hudyat ng pagtatapos ng mahabang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa buong bansa
Sa panahon ng Kapaskuhan, nagsulputan ang iba’t-ibang uri ng masiglang hanapbuhay na nagbibigay sigla, hindi lang sa mga bata, kundi maging sa mga nasa hustong gulang tulad ng mga rides sa mga bantog na amusement park sa malalaking lungsod sa Metro Manila.
Siyempre, kabi-kabila rin ang pagtatayo ng mga mini-carnival sa mga lalawigan, lalu na sa Cavite, Laguna, at Rizal na sakop ng Region 4A at maging sa ilang lalawigan sa Region 3.
Kaya sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Feast of the Three Kings, nagligpit na rin ang mga operator ng mini-carnival dahil balik-eskuwela na ang mga kabataan at trabaho naman sa mga matatanda.
Kaya lang, dito sa ilang lalawigan na sakop ng Region 4A, nanatili pa rin sa kanilang puwesto ang ilang mga mini-carnival dahil may nakatago palang illegal numbers game at drop ball sa gitna ng amusement center.
Nailihim nila sa tanggapan ni Police Regional Office Director P/BGen. Paul Kenneth Lucas ang ilegal na sugal dahil kina alyas “Jack”, alyas “Marcial” at alyas “Randy” ang tatlong itlog na umano’y kolektor na nagbigay ng proteksiyon.
Ilan sa mga nananatili pa rin sa ilegal na gawain ang puwesto ni alyas “Emily” sa Imus, Anabu, at Cardinal Village sa Dasmarinas, alyas “Aiza” sa Bayan ng Ternate, alyas “Bong’ sa tabi ng isang mall sa Dasmarinas Area C, alyas “Rommel” sa Brgy. Maguyam sa Silang, at alyas “Adrian” sa Brgy Bucal, Tanza sa lalawigan ng Cavite.
Sa lalawigan ng Laguna, hawak din ng tatlong itlog ang puwesto ni alyas “Judith” sa Brgy. Sto Domingo, Sto Tomas, at Timbao sa Binan, alyas “Jervy” sa Bayan ng Sinoan at Mabitac, at alyas “Aclang sa Garden Villas Subdivision sa Sta Rosa.
Mas marami namang naiwang puwesto sa lalawigan ng Rizal sina alyas “Elvie” sa bayan ng Tanay, alyas “Rambo sa bayan ng Morong at Brgy. Sta Ana sa Taytay, alyas “Bert” sa Brgy. Mambugan sa Antipolo, alyas “Egay” sa Brgy. San Jose Riverside sa Rodriguez, alyas “Rose” sa Brgy Geronimo sa Roa Rodriguez, at alyas “Rihay” sa Brgy. Ampid, San Mateo.
Sa Muntinlupa City na sakop na ng NCR, aba’y nagawang makapagsingit ng ilegal na sugal ang isang alyas “Sonny” na malakas daw sa isang pulitiko sa isang bayan sa Cavite. Hindi magugustuhan yan ni Mayor Ruffy Biazon kapag nakarating sa kanyang kaalaman.
Navotas sinimulan na pagdiriwang ng 119th Founding Anniversary
SINIMULAN na nitong Lunes ang mahigit isang linggong pagdiriwang sa ika-119 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Navotas sa pamamagitan ng pagdaraos ng misa, pagsasagawa ng medical mission, programang pagpapakain at sa gabi ay pananampalataya at pagsasamahan.
Sabi ni Mayor John Rey Tiangco, sakto ang tema nilang “NavLevel Up” na isa aniyang panata para ipagpatuloy ang pag-angat ng Lungsod sa pamamagitan ng pagpapabuti pa sa mga programang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan, pangkabuhayan, edukasyon at iba pa.
Dagdag pa ni Mayor Tiangco, inilatag na rin nila ang iba’t-iba aktibidad na lalahukan ng mga mamamayan, mangingisda, mga kabataan, negosyante, na magtatapos sa bonggang parada sa Enero 16 at siyam na araw na pamamahagi ng 5-kilong bigas na magsisimula sa Enero 18.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].