Fajardo Hawak ni Police Regional Office (PRO)-3 chief Brig. Gen. Jean S. Fajardo (gitna) ang isang pistola katabi si Col. Ferdinand Germino sa kanyang pag eksamin sa mga nakumpiskang loose firearms sa kanyang first command visit sa Nueva Ecija police provincial office sa Cabanatuan City noong Biyernes. Kuha ni Steve Gosuico

Hepe ng PRO-3 sa mga parak na may illegal sideline: Ulo nyo putol!

Steve A. Gosuico Jan 31, 2025
36 Views

CABANATUAN CITY–Nagbabala si Police Regional Office (PRO)-3 director P/Brig. Gen. Jean Fajardo noong Biyernes na “heads will roll” ng sinumang pulis na may “moonlighting activities” lalo na ang pagiging security escort ng mga pulitiko.

Ayon sa heneral, papanagutin ang sinumang pulis ng kasong administratibo at kriminal kung mapapatunayang sangkot sa illegal na aktibidad.

Bumisita si Fajardo sa Nueva Ecija para sa kanyang unang command visit at sinalubong siya at mga kasama ni P/Col. Ferdinand Germino, ang provincial commander, sa Nueva Ecija police provincial office.

“Kapag mayroon tayong mava-validate na information na mayroon tayong mga pulis na nag mu-moonlighting o nagpro-provide ng security escort kaninuman na hindi otorisado ng Comelec dahil tayo ngayon ay nasa ilalim tayo ng election period, lahat ng galaw natin kasama ang pag-provide ng security details sa mga kandidato dapat po may pahintulot ng Comelec,” pahayag ng PRO-3 chief.

Inamin din ni Fajardo na mayroon na siyang “double digit-number” na listahan na naglalaman ng mga pangalan ng mga tiwaling pulis na isinumite sa kanya noong Huwebes at sinabi niyang sasailalim ito sa karagdagang validation at kumpirmasyon.

Matapos ang kanyang arrival honors, ininspeksyon ng heneral ng pulisya ang iba’t-ibang loose firearms na nasamsam, isinuko at idineposito para sa pag-iingat ng Nueva Ecija police.

Habang may hawak na pistola, sinabihan ni Fajardo si Germino na mag-imbentaryo at isailalim ang mga baril na ito, lalo na ang mga pistola sa forensic examination upang matukoy kung nagamit na ang mga ito sa mga kriminal na aktibidad.

Sa mga lugar na may matinding tunggalian sa pulitika, inatasan din ni Fajardo ang mga chiefs of police na magtalaga ng mga focal persons o liaison officers para sa bawat kandidato sa pulitika upang magsilbing tagapamagitan para sa kanilang mga concerns at upang maiwasan ang hidwaan na uusbong sa magkatunggaling partido.