Tibay ng puso gagamitin ni Mayor Sara para magawa iaatas na trabaho

174 Views

GAGAMITIN ni Davao City Mayor Sara Duterte ang tibay ng kanyang puso upang magawa ang trabahong iaatas sa kanya kapag nanalong vice president sa paparating na halalan.

Sa panayam ng programang Sa Ganang Mamamayan, tinanong ng host na si Sen. Francis Tolentino kung ano ang kanyang karakter o katangian na kanyang magagamit upang maging ‘the best vice president’ ng bansa.

“Pero ‘yung nasa akin po talaga, at lagi kong sinasabi na sa ating lahat, Sen., is yung tibay ng puso ko bilang Pilipino. Matibay talaga ang puso ko,” sabi ni Duterte.

Sinabi rin Duterte na hahayaan na lamang nito ang kasaysayan na siyang humusga sa kanyang gagawing pagseserbisyo kung papalarin na maging ikalawang pangulo ng bansa.

“I’m not the best, I’m not the brightest, I’m not the most brilliant candidate out there. Pero kung may ipapagawa ka sa akin I will move mountains para ma-deliver ‘yan sa iyo. So ‘yan po yung nasa akin and of course nasa ating lahat mga Pilipino,” sabi ni Duterte na nangunguna sa mga pre-election vice presidential survey.