BOC

P202M frozen mackeral idineklarang fried taro, kinumpiska ng BOC

18 Views

KINUMPISKA ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang P202 milyong halaga ng frozen makerel na idineklara umanong frozen fried taro.

Ito ay matapos ang isinagawang inspeksyon nina BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio, Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., at District Collector Alexander Gerard E. Alviar sa 19 na forty-foot container sa Port of Manila (POM) ngayong Marso 3.

Galing umano ang mga container sa China at hinarang ang paglabas noong Enero 20, 2025 sa hiling ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS-POM) matapos na makipag-ugnayan dito ang Plant Quarantine Service-Bureau of Plant Industry (PQS-BPI) dahil sa nakabinbing PQS requirement.

Noong Pebrero 13, isang alert order ang ipinalabas ng Office of the District Collector laban sa naturang shipment habang nagsasagawa ng imbestigasyon.

Matapos ang isinagawang physical examination noong Pebrero 18 at 19 ay nagpalabas si District Collector Alviar ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa mga kargamento bunsod ng paglabag sa Section 1113 kaugnay ng Section 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Kinilala ni Commissioner Rubio ang kolaborasyon ng BOC-POM, DA, at iba pang ahensya sa pagtiyak na sumusunod sa regulasyon ang mga shipment na ipinapasok sa bansa.

Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay pinaigting ng BOC ang kampanya nito laban sa agricultural smuggling upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka at mangingisda.