Tol

Tolentino hinikayat mga Pinoy na piliin ang Palawan bilang susunod na travel destination

Mar Rodriguez Mar 5, 2025
25 Views

Tol1HINIHIKAYAT ni Senate Majority Leader at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) re-electionist Senator Francis “Tol” Tolentino ang mga Pilipino na piliin nila ang lalawigan ng Palawan bilang susunod na travel destination na tinaguriang “The last frontier”.

Ayon kay Tolentino, dapat maipagmalaki o i-promote ng mga Pilipino ang Palawan sa kanilang social media posts upang mas lalo pang mahikayat ang maraming mamamayan na magtungo at bumiyahe sa Palawan para magbakasyon kasama ang kanilang pamilya.

“Hinihikayat ko ang ating mga kababayan, lalo doon sa mga may planong bumiyahe at magbakasyon na tuklasin ang Palawan at ipagmalaki iyo sa inyong social media posts,” sabi ni Tolentino.

Naniniwala si Tolentino na sakaling maraming turista ang mahikayat na magtungo sa Palawan para magbakasyon. Inaasahan na palalakasin nito ang lokal na ekonomiya ng nasabing lalawigan habang sasalungatin naman nito ang fake news o false claims na ipinapakalat ng mga Chinese sa kanilang social media posts.

Sabi ng APBP re-relectionist Senator na ikinakalat umano ng mga Intsik sa kanilang social media posts na hindi umano pag-aari ng Pilipinas ang Palawan at ipinapakalat din aniya nila ang maling impormasyon o false claims ukol sa kasaysayan ng lalawigan.

Binanggit din ni Tolentino ang ilan sa mga ipinagmamalaking tourist spots ng lalawigan kabilang na dito ang Puerto Princesa, Subterranean National Park at Tubbataha Reefs National Park na parehong UNESCO World Heritage Site bukod pa sa El Nido Beach at Coron.

Si Tolentino ang pangunahing may akda ng Philippine Maritime Zones Act o Republic Act No. 12064 na nagpapalakas sa integridad ng teritoryo ng Pilipinas kabilang na dito ang paggigiit sa mga karapatan ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).