DCA1 Pinangunahan nina General Trias City Mayor Luis Ferrer IV at Vice Mayor Jonas Labuguen ang pamamahagi ng mga panlaban sa dengue March 10, 2025 sa Navarro Elementary School sa Bgy. Navarro. DENNIS ABRINA

Anti-dengue drive sa GenTri pinaigting

Dennis Abrina Mar 12, 2025
16 Views

GENERAL TRIAS CITY, CAVITE — Pinangunahan ni Mayor Luis ‘Jon-Jon’ Ferrer IV kasama si Vice Mayor Jonas Labuguen ang paglulunsad nitong Lunes, Marso 10, 2025 ng dengue prevention and control campaign sa Navarro Elementary School sa Bgy. Navarro dito.

Katuwang sa kampanya ang City Health Office sa pamumuno ni Dr. Jonathan Luseco.

Naalarma ang local na pamahalaan sa laki ng itinaas ng kaso ng dengue sa lugar na umabot ng 450 percent kumpara sa nakaraang taon.

Nakapagtala ng 394 total confirmed cases mula sa 33 villages ng nasabing lungsod, kumpara sa 88 dengue cases noong 2024.

Katuwang sa paglunsad ng kampanya kontra dengue ang Lokal na Kagawaran ng Edukasyon, school officials at student leaders.

Namahagi sa nasabing programa ng mga gamit na pangontra sa dengue katulad ng olyset nets, spray can, chemicals at Off lotion sa lahat ng mag-aaral.

“Hindi lang po ito ang ginagawa nating hakbang sa paglaban sa dengue. Ang atin pong fogging team ay walang tigil na nag-iikot sa bawat barangay para mapuksa ang nasabing mapinsalang lamok na carrier ng dengue,” ayon kay Mayor Ferrer.

Patuloy din po ang ating pakikipag-ugnayan sa bawat barangay through Barangay Health Workers (BHW) sa information dissemination ukol sa dengue prevention at tamang paglilinis ng paligid na posibleng pamugaran ng dengue carrying mosquitoes, dagdag ng ma yor.

Batay sa datos na inilabas ng Cavite Provincial Epidemiology and Surveillance Unit, mayroong 20 kaso ng dengue sa Bgy. San Francisco, 19 sa Navarro, 12 sa Pasong Kawayan 2, 11 sa Bacao 2, 11 sa Pasong Camachile 2, walo sa Bgy. San Francisco, pito sa bawat isa sa Bacao 1, Tejero, Biclatan, at Pasong Kawayan 1.