Calendar
Limay may Kadiwa store na
LIMAY, Bataan–Binuksan noong Huwebes nina Congressman Abet Garcia at Mayor Richie Jason David ang kauna unahang Kadiwa store sa bayang ito.
“Pinasinayaan na po ngayong ika-13 ng Marso ang kauna-unahang Kadiwa Store sa Region 3 na matatagpuan sa Limay Park, Reformista,” sabi ng congressman.
Ayon kay Cong. Garcia, ang Kadiwa Store inisyatiba ng pamahalaang nasyonal na layong magbigay ng abot-kayang halagang bilihin sa mga mamamayan.
“Layunin din po nito na matulungan ang mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng direktang pagbebenta ng kanilang mga produkto, upang matiyak ang kanilang mas mataas na kita.”
Inilunsad ni Pangulong Bongbong Marcos ang Kadiwa ng Pangulo (KNP) sa Limay at noong Marso 2024 isinagawa ang turn-over ng ceremonial check nagkakahalaga ng P5 milyon para sa Kadiwa store sa nasabing bayan.
“Magdaragdag pa po tayo ng mga Kadiwa stores upang mas marami pang kababayan ang makinabang at magkaroon ng access sa abot-kayang halaga at masustansyang pagkain,” dagdag ni Garcia.