Digong Source: PNP

House leader sa tagasuporta ni Duterte Isipin epekto ng mga ginagawa, pahayag

25 Views

NANAWAGAN si House Deputy Majority Leader Janette Garin ng Iloilo sa mga kaanak at tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pag-isipan ang magiging epekto ng kanilang mga kilos at inilalabas na pahayag.

Ginawa ni Garin ang panawagan kasunod ng mga ulat na pinalo ng cellphone ng kinakasama ng dating pangulo na si Honeylet Avanceña ang isang babaeng pulis noong Martes, sa gitna ng tensyon kaugnay ng pag-aresto kay Duterte kaugnay ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Unang binalak ng hindi pinangalanang pulis na magsampa ng kasong direct assault laban kay Avanceña ngunit kalaunan ay nagdesisyon ito na huwag na itong ituloy.

Ayon kay Garin, nauunawaan niya na damdamin ang nangingibabaw noong gabing iyon, kaya’t mabuti na pinatawad na lamang ng pulis ang ginawa ng kinakasama ng dating pangulo.

“Sa pananaw ko, siyempre naiintindihan natin si Ma’am Honeylet was at the peak of her emotions. Minsan ganon eh, hindi niya alam no yung repercussions ng kanyang ginagawa,” ayon kay Garin.

“Maybe, itong sitwasyon nato ay nag kakapatawaran nalang and siguro nga sa sitwasyon na ganito, ang dapat kasi ditong tignan natin is on the other side, na in the current situation of our former president, dapat ‘yung mga tao sa palibot niya, every decision that they should make ay talagang pinag-aaralan. Every move, every decision, every statement that they will release ay dapat talagang seryoso at pinag aaralan,” dagdag pa ng mambabatas mula sa Iloilo.

Pinuri ni Garin ang mga pulis at sundalo sa pagpapatupad ng maximum tolerance sa pagbabantay kay dating Pangulong Duterte at sa kanyang mga kasama.

“Ang maganda lang, ‘yung ating sundalo naman ay talagang nag maximum tolerance,” saad nito.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), nagtamo ng sugat sa ulo ang babaeng pulis na sinaktan umano ni Avanceña.

Sinabi ng tagapagsalita ng PNP na nagpapagaling na ang pulis, na pumutok ang ulo, bago bumalik sa trabaho.