Leader Janette L. Garin Leader Janette L. Garin

Bato dapat samahan si FPRRD sa The Hague, tumulong sa pagdepensa sa ICC

22 Views

SA halip na humingi ng saklolo sa Senado, iminungkahi ng isang lider ng Kamara kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na samahan na lamang nito si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na ngayon ay nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) sa the Hague.

Sa ganitong paraan, sinabi ni House Deputy Majority Leader Janette L. Garin ng Iloilo, na makakatulong si Dela Rosa kay Duterte sa paghahanda nito ng matibay na legal na depensa laban sa kasong crimes against humanity na kinakaharap nito.

“Karapatan ‘yan ni Sen. Bato Dela Rosa, karapatan niyang humingi ng tulong sa institusyon kung saan siya ay miyembro. However, I was also a former Cabinet member of former President Noynoy Aquino. Noong kaliwa’t kanan lumabas ‘yung pekeng kaso at akusasyon, ang ginawa namin ay hindi naisalba ang aming sarili kung hindi ilabas ang katotohanan,” ani Garin sa isang online press conference.

Binigyang-diin ni Garin na si Dela Rosa, bilang pangunahing personalidad ng administrasyong Duterte sa pagpapatupad ng war on drugs, ay may kakayahang magbigay ng mahahalagang impormasyon para sa depensa ng dating pangulo.

“Sa pananaw ko, ang pinakamagandang gawin ngayon ni Sen. Bato Dela Rosa ay tulungan niya ang depensa ng dating Pangulo dahil mas marami siya siyempreng alam kaysa sa atin dahil siya ay nasa gobyerno at nasa PNP nung panahon na ’yun. So that should be his thrust,” saad ni Garin.

Si Dela Rosa, na siyang arkitekto ng madugong kampanya kontra droga ni Duterte bilang dating hepe ng Philippine National Police, ay una nang humiling ng proteksyon mula kay Senate President Francis “Chiz” Escudero sakaling maglabas ng warrant of arrest ang ICC laban sa kanya.

Kinuwestyon ni Garin kung may awtoridad nga ba ang Senate President na magbigay ng ganoong proteksyon, lalo na’t kasalukuyang naka-break ang Kongreso.

“Well, if Congress is in session, siyempre pwede siyang… I am not really sure kung ito ba ay mag-aapply if it’s an ICC warrant of arrest. Kasi ang pangkaraniwan, kapag ikaw ay may kaso at nasa sesyon ang Kongreso, pwede ngang hindi hulihin,” aniya.

Idinagdag pa ni Garin na maaaring maapektuhan ng hurisdiksyon ng ICC ang lokal na proteksyon sa ilalim ng batas, at dapat mas pagtuunan ng pansin ang legal na estratehiya para sa depensa ni Duterte kaysa sa pulitikal na taktika.

“Hindi ko alam kung if this is a warrant of arrest na galing sa ICC if it is applicable or not. Pero bumabalik kasi ako doon sa dapat, narinig naman natin siyang ilang beses nagsalita – this is the best time for him to disprove the allegations,” dagdag niya.

Bagama’t ilang beses nang iginiit ni Dela Rosa na wala siyang itinatago at hinamon pa ang ICC na kasuhan siya, ang kanyang kamakailang kahilingan para sa proteksyon ng Senado ay nagpapahiwatig ng kabaligtaran.

Binigyang-diin ni Garin na ang pinakamainam na gawin ni Dela Rosa ay tumulong sa legal na proseso kaysa palakihin ang kontrobersya sa pulitika.

“This is also the best time for him to help the former President in his defense against the cases na pinaratang nga sa kanya,” aniya.

Naaresto si Duterte sa Maynila noong Martes kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng ICC kaugnay ng kinakaharap nitong kasong crimes against humanity.