Calendar

Pacquiao muling tiniyak commitment para sa mga mahihirap
TACLOBAN CITY – “Tandaan niyo. Mahal na mahal ko ang mga mahihirap, titiyakin ko na walang Pilipino ang maiiwan”.
Ito ang makabagbag-damdaming mensahe ni Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao sa campaign rally ng Alyansa sa Tacloban City na balwarte ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Muling ginunita ni Pacquiao ang hindi malilimutan at makasaysayang “Typhoon Yolanda” noong 2013 na matinding gumupo at nagpalugmok sa Tacloban City matapos ibahagi o ikuwento ng dating senador na dumating siya sa puntong natulog umano siya sa loob ng tent kasama ang iba pang survivors ng super typhoon.
Dahil sa kaniyang naging karansan at iba pang mga survivor ng Typhoon Yolanda, muling tiniyak ni Pacquiao ang kaniyang commitment para sa mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng pagpapa-abot nito ng tulong lalo na para sa mga nasalanta ng bagyo.
Pagdidiin pa ni Pacquiao na nararamdaman nito ang matinding hirap na pinagdaanan ng mga mamamayan ng Tacloban City kung saan ilang araw silang hindi kumakain, walang mainom na tubig, walang kuryente at walang maayos na matutulugan.
“Tandaan n’yo, mahal na mahal ko ang mahihirap. Kaya sisikapin ko na ipagpatuloy ang ating commitment na tulungan ang mga mahihirap nating mga kababayan,” sabi nito.
Paliwanag pa ng dating eight-division world boxing champion na ang pinaghuhugutan ng kaniyang paninindigan para sa mga mahihirap ay ang kaniyang pinagdaanan sa buhay kung saan ikinuwento pa nito na nagsikap siyang makaahon mula sa kahirapan.
Ilang mamamayan naman ng Tacloban City ang nagpahayag na ang ipinakitang malasakit at pagmamahal ni Pacquiao noong “Yolanda relief operations” ay nagpapakita na tunay na “The people’s champ” ang dating Senador hindi lamang sa sports kundi sa public service.