7 huli, P8M na shabu nakuha sa anti-drug drive sa Pampanga

Bernard Galang Mar 25, 2025
20 Views

CAMP OLIVAS, City of San Fernando, Pampanga–Arestado ng mga elemento ng Police Regional Office (PRO)-3 ang pitong pinaghihinalaang drug personalities at nasamsam ang mahigit P8 milyong halaga ng iligal na droga noong Marso 23.

Ang pinagsamang anti-illegal drug operation sa pangunguna ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Police Stations 4 at 6 ng Angeles City Drug Enforcement Unit (ACDEU) at City Intelligence Unit (CIU) nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Usup, 36, at alyas Tobats.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang 1,043.01 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7,092,468 kasama ang isang .45 pistol, isang suppressor/silencer, mga live ammunition, mga drug paraphernalia, isang sasakyan at buy-bust money.

Nag-ugat ang operasyon sa intelligence na nakalap na nag-uugnay sa 2 suspek sa drug distribution at robbery-holdup incidents na target ang mga Korean national sa Brgy. Anunas, Balibago at Pampang.

Noong Marso 22, isinagawa ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) ang sunud-sunod na anti-illegal drug operations na nagresulta sa pagkakaaresto sa lima pang suspek at pagkakakumpiska ng 120 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P816,000.

Inaresto ng mga tauhan ng CDEU ng Meycauayan City Police Station sina alyas Pao, 41, at alyas Jokjok, 42.

Nahulihan sila ng 54 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P367,200.

Nahuli rin ng mga operatiba ng San Jose Del Monte City Police Station (SJDM CPS) sina alyas Jules, 39, at alyas Rey, 40, at nakuha mula sa kanila ang 51 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P346,800.

Kinagabihan, isang joint operation ang humantong sa pagkakaaresto kay alyas Dondon, 41, na pinaghihinalaang sangkot sa gun-for-hire at drug operations.

Narekober sa kanya ang 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000 at isang .45 pistol.

Pinuri ni PRO-3 director Brig. Gen Jean Fajardo ang mga operatiba sa kanilang walang humpay na pagtugis sa mga sindikato ng droga.

“Ang mga operasyong ito nagpapatunay na ang ating paglaban sa iligal na droga walang pahinga,” pahayag ni Fajardo.