Tarlac Source: Philippine Red Cross Tarlac City

Karambola sa expressway 12 todas, 20 sugatan

28 Views

LABINDALAWA katao, kabilang ang anim na bata, ang nasawi at mahigit 20 iba pa ang nasugatan sa karambola ng apat na sasakyan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) noong Huwebes.

Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Tarlac, naganap ang aksidente dakong alas-12:18 ng tanghali malapit sa Tarlac City toll plaza exit.

Sangkot sa aksidente ang isang truck, Nissan Urban, kotse at pampasaherong bus na Solid North.

Sa inisyal na imbestigasyon, nakapila ang trailer truck at dalawang SUV sa toll plaza nang bigla silang bungguin ng rumaragasang pampasaherong bus.

Sa lakas ng impact, naipit, nawasak at tila naging palaman sa pagitan ng bus at trailer truck ang dalawang SUV na naging sanhi ng pagkasawi ng mga biktima.

Kabilang sa mga nasawi ang anim na bata at anim na matatanda.

Naging pahirapan ang pagliligtas sa iba pang biktima dahil sa grabeng pagkakaipit ng mga ito sa kani-kanilang mga sasakyan.

Lumikha ng masikip na daloy ng trapiko ang karambola.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga pulis ang driver ng bus.

May kasamang ulat ni Bernard Galang