Lumalalang krisis sa karagatan isinusulong sa Senado na tuldukan

29 Views

NANAWAGAN si Senadora Loren Legarda sa mga Pilipino na manguna sa pagpapanatili at pangangalaga ng karagatan sa isang forum na ginanap sa University of the Philippines Visayas campus sa Pandan, Antique, ngayong Mayo 29.

Ang pagtitipon na pinamagatang “Daluyong ng Pagbabago: Adaptation and Resilience for Our Oceans” ay bahagi ng paghahanda para sa Third United Nations Ocean Conference (UNOC3) na nakatakdang idaos sa Hunyo sa Nice, France.

Binigyang-diin ni Legarda ang matinding krisis na kinahaharap ng karagatan. Batay sa datos, patuloy ang pagbaba ng populasyon ng isda, nasisira ang mga bahura ng korales, at laganap ang polusyon sa plastik.

Ayon sa kanya, wala nang bahura sa Pilipinas ang maituturing na “excellent” ang kondisyon, at kabilang ang bansa sa mga pangunahing nag-aambag ng plastik sa karagatan.

“When corals die, so do fish stocks. When mangroves vanish, villages lose their shields against storms. When plastic chokes our waters, it chokes our children’s future,” aniya.

Binanggit din niya ang kahalagahan ng yamang-dagat sa ekonomiya, kung saan 3.9% ng kabuuang GDP ng bansa ay mula sa coastal economy.

Ipinunto niya na ang patuloy na pagkasira ng kapaligiran ay naglalagay sa panganib sa kabuhayang ito.

Tinalakay rin ni Legarda ang mga naipasa nang batas para sa kalikasan, gaya ng Climate Change Act of 2009 at ang Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS).

Sa ngayon, isinusulong niya ang Blue Economy Bill na naglalaman ng mga probisyong gaya ng limitadong pangingisda, pagbabawal sa mapanirang pamamaraan tulad ng muro-ami, at pagtatakda ng mga protektadong marine areas.

“We will demand that global ambition translates to tangible support for those who need it most: fisherfolk, coastal women, and indigenous communities,” diin ni Legarda, kaugnay sa inaasahang paglahok ng Pilipinas sa UNOC3.

Sa pagtatapos, binigyang-linaw ni Legarda ang kahalagahan ng aktibong pamumuno at pakikilahok ng mga mamamayan sa pangangalaga ng karagatan: “Today, we face a new voyage, one that demands we chart a course from exploitation to reverence.”

Nagsilbing lunsaran ang forum para sa malalimang talakayan sa mga hamong kinahaharap sa konserbasyon ng karagatan, partikular sa paggawa ng mga polisiya, pagpapalakas ng katatagan, at napapanatiling pamamahala ng yamang-dagat.