Calendar

Binatilyo, 15, nalunod sa pool
ISANG 15-anyos na lalaking estudyante ang nalunod noong Linggo habang naliligo sa swimming pool ng subdivision sa Angeles City, Pampanga.
Kinilala ng Angeles City police ang nasawi na si alyas Jerry, grade 9 student at residente ng Metrogate Subdivision sa Brgy. Capaya, Angeles City.
Ayon sa pulisya, nag-swimming ang binatilyo at dalawang nakababatang kapatid sa clubhouse ng subdivision pero makalipas ang ilang oras rumesponde si Benjie Arugay nang makarinig ng sigaw na humihingi ng tulong mula sa swimming pool ng clubhouse.
Nakita ng security guard ang isang walang-malay na teenager na nakalutang sa pool na nag-udyok sa kanya para i-rescue ito at lapatan ng CPR bago tumawag ng tulong.
Pagdating ng rescue team, isinugod ang binatilyo sa AUF Medical Center na kalaunan namatay din dahil sa asphyxiation.