Ping Lacson

Lacson: Defense panel lang may K magmosyon na ibasura impeachment

325 Views

NANINDIGAN si incoming Senator Panfilo “Ping” Lacson na tanging ang defense panel ang may karapatang magsumite ng mosyon upang ibasura ang impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte—hindi ang mga senador na magsisilbing hukom sa paglilitis.
Sa panayam ng Newswatch Plus, tinuligsa ni Lacson ang pahayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na nanawagan ng agad-agad na dismissal ng kaso, kahit hindi pa pormal na bumubuo ang Senado bilang impeachment court.

Para kay Lacson, hindi lamang ito isang pangungunang pahayag, kundi isang maling hakbang.

“I would like to believe that a motion to dismiss belongs to the defense panel. And where have you seen a judge moving to dismiss a case?” ani Lacson. Dagdag pa niya, “Isn’t it funny to hear a judge moving to dismiss a case he himself is trying?”

Bilang beteranong senador na naging bahagi ng nakaraang mga impeachment trial, binigyang-diin ni Lacson ang kahalagahan ng pagiging patas ng mga senator-judges. Aniya, ang maagang pagpapahayag ng panig o posisyon ay maaaring makompromiso ang kredibilidad ng buong proseso.

“You are sitting as a senator judge but you already have prejudgment. You haven’t seen the evidence yet, but you already formed a judgment and moved to dismiss the case,” ani Lacson, na mariing nagbabala laban sa prejudgment o pangunguna ng hatol.

Ayon pa kay Lacson, kahit pa pormal nang nagsimula ang impeachment court, mananatiling hindi tama kung ang mismong hukom ang maghahain ng mosyon sa halip na ang defense panel.

Ipinunto rin niya ang posibleng negatibong epekto ng kusang pag-inhibit ng mga senador mula sa paglilitis, lalo na kung ito ay batay lamang sa pananaw ng publiko ukol sa bias. Aniya, maaari nitong hadlangan ang pag-abot sa kinakailangang dalawang-katlong boto (16 sa 24 na senador) para sa conviction, alinsunod sa Konstitusyon.

Bukod sa mga teknikal na usapin, iginiit ni Lacson na ang pagtatangka na pigilin ang paglilitis ay maaaring makapinsala sa imahe ni Vice President Duterte sa harap ng taumbayan.

“Some of our countrymen would be thinking the Vice President is guilty because the trial did not push through,” ani Lacson. Naniniwala siyang ang pag-usad ng paglilitis ay magbibigay-linaw sa publiko kung may sapat bang ebidensya o wala laban sa Bise Presidente.

“As potential senator judges, we also want to see the evidence. If it’s not enough, sorry—we have to acquit. But if we see the evidence is strong, sorry to the respondent—but we have to convict,” pagtatapos ni Lacson.