LPA

LPA mataas tsansa maging bagyo–Pagasa

237 Views

MAY bagong low pressure area (LPA) na binabantayan sa Northern Luzon at mayroong mataas na tsansa na maging tropical depression sa loob ng 24 na oras, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ayon sa Pagasa, alas-10:00 ng umaga namataan ang LPA sa karagatan malapit sa Itbayat, Batanes.

Sakaling lalakas at maging ganap na bagyo, tatawaging Tropical Depression Auring ang bagyo, ang unang tropical cyclone na papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Samantala, ang Tropical Storm Wutip, na nananatili sa labas ng PAR, kumikilos patungo sa Southern China.

Huli itong namataan sa layong 1,085 kilometro sa kanluran ng Northern Luzon na may lakas na hanging aabot sa 65 kilometro bawat oras.

Sa kabila ng presensya ng Wutip at LPA, idiniin ng Pagasa na ang southwest monsoon o habagat ang kasalukuyang nagdudulot ng malawakang pag-ulan sa buong bansa.

Nagbabala ang ahensya na ang malakas na pag-ulan ay maaaring humantong sa flash flood at landslide, partikular sa Luzon at Mindanao.

Posible ring makaranas ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Metro Manila at ilang bahagi ng Visayas sa mga susunod na oras.