Droga

Publiko hinimok tulangan pamahalaan sa kampanya vs droga

27 Views

BILANG bahagi ng pinaigting na kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa ilegal na droga, hinikayat ng Malacañang nitong Biyernes ang publiko na tularan ang mga mangingisda mula sa Pangasinan at Bataan na nakipagtulungan sa pamahalaan upang maprotektahan ang kanilang mga komunidad mula sa mga sindikato ng droga.

“Nananawagan po ang pamahalaan sa buong taumbayan: makipag-ugnayan po kayo upang masawata natin ang mga iligal na gawain kahit saan mang panig ng bansa,” pahayag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malacañang.

Ayon kay Castro, ang maagap na aksyon at pakikipag-ugnayan ng mga mangingisda sa mga kinauukulang ahensya ay naging susi sa pagkakasabat ng tinatayang ₱5.4 bilyong halaga ng shabu — isa sa pinakamalalaking drug seizure sa kasaysayan ng bansa.

“Hinirang na mga bayani ang mga nasabing mangingisda dahil sa agarang pag-alerto ng mga ito sa mga otoridad. Isa itong halimbawa ng mahusay na kooperasyon sa pagitan ng mga ordinaryong mamamayan at mga ahensiya ng gobyerno,” ani Castro.

Noong Hunyo 5, isang grupo ng 29 mangingisda ang nagsuko sa mga awtoridad ng tinatayang ₱3.9 bilyong halaga ng hinihinalang shabu sa humigit-kumulang 500 vacuum-sealed packs na kanilang nahuli sa karagatan ng Agno at Bolinao, Pangasinan.

Samantala, isang grupo naman ng 10 mangingisda mula Bataan ang nagsauli ng tinatayang ₱1.5 bilyong halaga ng shabu sa may 200 vacuum-sealed packs na kanilang nakuha sa karagatan ng Masinloc, Zambales noong Mayo.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang mahalagang papel ng mga karaniwang mamamayan sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa bansa, kabilang ang laban sa ilegal na droga.

“Ang tagumpay ng kampanya kontra droga ay hindi lamang nasa kamay ng pamahalaan — ito ay sama-samang laban ng buong sambayanan.” PCO