Suspek

Nagnenok ng cellphone sa Kano, nasakote

Edd Reyes Jun 15, 2025
421 Views

MILAGRONG naibalik sa tunay na may-ari ang hinablot na cellphone ng dalawang snatcher sa isang turistang Amerikano noong Sabado sa Pasay City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Joseph Arguelles, naglalakad ang 52-anyos na turista, kasama ang kanyang anak, sa Lawaan St., Brgy. 182 pasado alas-5:00 ng umaga ng biglang hablutin ng dalawang lalaki ang Samsung Galaxy A14 cellphone na nagkakahalaga ng P11,200 bago tumakas patungo sa hindi niya batid na lugar.

Nang makahingi ng tulong ang biktima sa Police Sub-Station-7, pinakilos ni P/Lt. Joseph Tayabas ang kanyang mga tauhan at nirebisa ang kuha ng CCTV sa barangay na nagresulta upang makilala nila ang mga suspek na sina alyas Dagul at JunJun.

Nadakip si Dagul, 33, e-bike driver, dakong alas-10:00 ng umaga sa Maricaban at nabawi sa kanya ang mobile phone na ninenok sa Kano.