Calendar

Pagpapa-igting ng kampanya vs pasaway na motorista kinakatigan ni Suntay
KINAKATIGAN ni incoming Quezon City 4th District Representative Bong Suntay ang ibinigay na utos ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. patungkol sa pagpapaigting ng kampanya ng Land Transportation Office (LTO) laban sa mga pasway na motorista.
Binigyang diin ni Suntay na napapanahon na para maglunsad ng malawakang kampanya laban sa mga walang disiplinang motorista kasunod ng pagbawi at pagkansela ng LTO sa lisensiya ng truck driver na nag-positibo sa paggamit ng illegal na droga.
Ipinaliwanag ng kongresista na hindi maliit na aksidente ang kinasasangkutan ng mga pasaway na motorista bagkos ay mga malalaking aksidente gaya ng kinasangkutan ng truck driver na ikinamatay ng tatlong katao at ikinasugat naman ng ilan pang biktima.
Sinabi pa ni Suntay na kinakailangan din mas paigtingin ng LTO at Department of Transportation (DOTr) ang kanilang kampanya laban sa mga drivers na gumagamit ng illegal na droga dahil ito ang isa sa mga pangunahing ugat ng mga aksidente sa lansangan.
Ayon sa mambabatas, panahon na para mahinto ang serye ng mga aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng mga walang displinang drivers habang ang iba naman ay nagmamaneho habang nasa impluwensiya ng alkohol at illegal na droga.
Samantala, tiniyak ni Suntay na sa kaniyang pagbabalik sa Kamara de Representantes para sa papasok na 20th Congress. Ang pangunahing tututukan nito ay ang pagpapagawa ng daanan sa Barangay Old Capitol Site kung saan hindi naipagawa ang bahagi ng kalsada sa Lirio.
“Sa nakalipas na tatlong taon, Naiwan na hindi naipagawa ang bahagi ng kalsada sa Lirio. Kaya sa aking pagbabalik sa Kongreso, isa ito sa mga proyektong aking tututukan,” sabi ni Suntay.
Ipinabatid pa ng QC solon na titiyakin din nito na matatapos ang nasabing proyekto sa tulong ng QC Engineering Office upang makapagbigay ng ginhawa sa mga residente ng Barangay Old Capitol.