Calendar
Source: QCPD
Dating empleyado na nakatakdang kasuhan ni Mulhin itinuturing na person of interest
ITINUTURING na person of interest sa pagpaslang sa 63-anyos na chief of technical staff ng House committee on ways and means ang dating empleyado na nakatakda umanong kasuhan bago mangyari ang pamamasalang nitong Linggo.
Sa isang panayam nitong Miyekules, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) public information officer, P/Maj. Jennifer Gannaban, nakatakda sanang magsampa ng kasong kriminal ang pinaslang na si Mauricio Pulhin at ang pamilya nito laban sa kanilang dating empleyado bago ito barilin sa mismong kaarawan ng kanyang pitong-anyos na na anak na babae noong Linggo, June 15.
“Nakausap nung mga imbestigador ang family at accordingly meron silang pinaplano na case against doon sa kanilang employee so mako-consider natin ‘yun na person of interest,” ayon kay Gannaban.
Gayunman, hindi na nagbigay pa ng ibang detalye si Gannaban ukol sa empleyado na pansamatalang ‘di binanggit ang pangalan dahil sa patuloy pa ang imbestigasyon.
Pero nalaman umano ng mga imbestigador sa pamilya ng biktima na wala silang ibang nakaalitan o nakaaway maliban sa kanilang dating empleyado.
Batay sa CCTV footages, sinabi ni Gannaban na huling nakita ang mga suspek sa isang lugar sa Caloocan City at mayroon na silang litrato ng gunman.
Aniya, kapag natukoy na nila ang suspek, ilalabas nila ang larawan sa publiko para makapagbigay ng lead ang mga ito kung saan nagtatago ang mga salarin.
Dagdag ng opisyal, patuloy at masusing sinusuri na rin aniya ng mga imbestigador ang lahat ng posibleng anggulo sa nangyaring krimen.

