Pagbebenta ng palay ng magsasaka hihigpitan ng NFA

Cory Martinez Jun 26, 2025
337 Views

MAGPAPATUPAD ng mahigpit na polisiya ang National Food Authority (NFA) sa pagbili ng palay upang mas maging transparent ang proseso at masigurong ang mga maliliit na magsasaka ang makinabang at hindi ang mga trader.

Ayon kay Agriculture Secretary at NFA Council Chairman Francisco P. Tiu Laurel Jr., ang hakbang ay bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguraduhing patas ang presyo sa ani ng mga magsasaka at mapalakas ang kanilang kita.

Sa ilalim ng bagong batas, tanging mga beripikadong magsasaka ang maaaring makapagbenta ng palay sa NFA.

Kailangan nilang maitala sa opisyal na registry ng mga magsasaka (RSBSA) o magpakita ng sertipikasyon mula sa lokal na pamahalaan bago makapag-benta ng palay.

Kinakailangang magsumite ng listahan kada buwan ang bawat sangay ng NFA kung sino ang nakapagbenta ng palay at kung magkano.

Ipapaskil ang mga listahang ito sa bulletin board ng bawat sangay. Kailangan din ang permiso ng mga magsasaka upang mailabas ito sa official facebook pages ng NFA alinsunod sa privacy law.

Upang maging mas bukas, magkakaroon ng special na mesa bawat NFA warehouse kung saan maaaring mapanood ng grupo ng mga magsasaka ang proseso nang pagbili ng palay.

“Ito ay upang matiyak na tanging mga lehitimong magsasaka ang nagbebenta sa NFA at upang matugunan ang mga alegasyon na ang mga trader ang nakikinabang sa NFA,” ani NFA administrator Larry Lacson. “Ang mga bagong panuntunang ito ang magbubukas sa publiko kung paano binibili ang palay,” dagdag ni Lacson.

Bago magkaroon ng delivery, aalamin ng NFA staff kung ang magsasaka ay may nakaimbak na palay. Matapos maideliver, aalamin kung ang mismong magsasaka ang nakapagbenta.

Kinakailangang mai-report ang ano mang kahina-hinalang aktibidad.

Maari lamang makapagbenta ang mga magsasaka ng hanggang sa limit na nakalista sa kanilang RSBSA records o sa listahan muila sa lokal na pamahalaan.