Calendar
2 Tsino arestado sa sablay na pagpatay sa Pinoy
TIMBOG ang dalawang Chinese nationals na sangkot umano sa tangkang pag-ambush sa negosyanteng Pinoy noong Huwebes sa Makati City.
Naabutan ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo ang mga suspek na sina alyas Liquan, 44, at Xunjun, 36, bago makatakas sakay ng green Toyota Vios na may dalawang magkaibang plaka.
Sa ulat ni Makati police Officer-in-Charge P/Col. Reycon Garduque, natanggap nila ang tawag hinggil sa pamamaril dakong alas-9:13 ng gabi sa parking area ng Makati Cinema Square sa Amorsolo St., Brgy. Pio Del Pilak kaya rumesponde ang mga tauhan ng Makati Substations 3 at 5, SWAT at Tactical Motorcycle Riders (TMR),
Nagkataon namang nagsasagawa ng paniniktik sa lugar ang mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD at Makati Intelligence operatives kaya’t naharang ang mga dayuhang suspek.
Napag-alaman na palabas na ng parking lot ang biktimang si alyas Christopher, 40, sakay ng itim na Toyota Fortuner nang paulanan ng bala ng mga suspek pero hindi nasapol.
Nakumpiska ng mga pulis sa mga suspek ang isang kalibre .40 Glock pistol, isang kalibre .9mm submachine gun na may dalawang magazine, itim na bag na may apat na patalim, martilyo, duct at double-sided tape at dalawang cellular phones.
Sasampahan ng kasong attempted murder at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang dalawang dayuhan sa Makati City Prosecutor’s Office.

